Plano ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na idulog sa Supreme Court (SC) ang guilty verdict sa mga kaso niyang graft, dahil naniniwala siyang ang nasabing sentensiya ng Sandiganbayan Fifth Division ay “contrary to facts, law and jurisprudence”.

Naghain ang dating First Lady ng notice of appeal nitong Lunes. Nakasaad sa nasabing apela na hindi pa nareresolba ng anti-graft court ang kanyang motion to file post-conviction remedies.

Naniniwalang mali ang naging hatol sa kanya, hiniling ni Marcos “that the records of the instant case be forwarded to the Supreme Court for further proceedings”.

Gayunman, inihayag ng Fifth Division na ang notice of appeal na inihain ng kongresista ay “premature”, dahil hindi pa nito nareresolba ang nauna nitong mosyon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Therefore, the court cannot take action on the same,” saad sa pahayag ng Sandiganbayan.

Ang pitong graft ni Marcos, na isinampa noong 1991, ay nag-ugat sa kanyang “direct and indirect financial or pecuniary interest” sa pangangasiwa ng ilang non-government organizations (NGOs) na binuo sa Switzerland simula 1968 hanggang 1984.

Nanatili umano ang mga account ni Marcos sa Swiss Bank Corporation para sa nasabing mga foundation “for the benefit of the accused and her late husband”, ayon sa asunto.

Biyuda ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, naghain ang kongresista ng kandidatura para gobernador ng Ilocos Norte sa susunod na taon.

-CZARINA NICOLE O. ONG