Masayang ibinalita ng isang opisyal ng Department of Health (DoH) na 50 barangay na sa Pilipinas ang idineklarang malaria-free, bagamat aminadong laganap pa rin ang naturang sakit, na nakukuha sa kagat ng lamok, sa ilang barangay sa limang lalawigan sa bansa.

Ayon kay Dr. Raffy Deray, program manager ng DoH-National Malaria Control and Elimination, mula sa 81 lalawigan sa Pilipinas ay 50 lalawigan na ang naideklarang malaria-free.

May 26 na iba pa, aniya, ang kasalukuyang nasa elimination phase na, at naghihintay na lang ng limang taon na walang maitatalang kaso ng malaria, o di kaya’y naghahanda ng mga dokumento at mga ebidensiya upang maideklara na ring malaria-free.

Gayunman, kinumpirma ni Deray na patuloy pa ring namiminsala ang naturang sakit sa ilang barangay sa Palawan, Sultan Kudarat, Maguindanao, Sulu, at Mindoro Occidental.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Kumpiyansa naman ang DoH na pagsapit ng 2022 ay 90 porsiyento na ang nabawas sa mga kaso ng malaria at zero transmission na ito sa 2025.

Batay sa tala ng DoH, mayroong 4,100 kaso ng malaria sa unang 11 buwan ng taong ito, kabilang ang dalawang binawian ng buhay.

Ayon kay Deray, kabilang sa mga sintomas ng malaria ang mataas na lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng ulo, labis na pagpapawis, pagkahilo at pagsusuka.

-Mary Ann Santiago