Matapos lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR), posibleng muling pumasok sa Pilipinas ang bagyong "Tomas," na may international name na "Man-yi."
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), malaki ang posibilidad na bumalik sa PAR ang nasabing bagyo sa susunod na 12 hanggang 18 oras.
Huling namataan kahapon ang bagyo sa layong 1,505 kilometers east ng Aparri, Cagayan o labas na ng Pilipinas.
Kumikilos ito pa-timog kanluran patungong PAR.
Napanatili nito ang hanging 145 kilometers per hour (kph) at bugsong 180 kph.
Sa kabila ng pagtiyak ng PAGASA na hindi magla-landfall ang bagyo, binalaan pa rin ng ahensiya ang publiko sa panganib ng paglalayag sa northern Luzon, Central at Southern Luzon, gayundin sa Visayas.
Ngayong umaga, Lunes), inaasahang mamamataan ang bagyo sa layong 1,210 km Silangan ng Aparri, Cagayan, at bukas, Martes, ito ay tinatayang nasa 965 km Silangan ng Basco, Batanes.
-Ellalyn De Vera-Ruiz