Magpapadala ang Philippine National Police (PNP) ng elite force sa bawat isa sa “troubled” na lalawigang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visayas upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Ito ang kinumpirma kahapon ni PNP spokesman, Chief Supt. Benigno Durana, at sinabing ang ipadadalang isang Special Action Force (SAF) company ay binubuo ng 100 operatiba, na ipakakalat sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, sa anim na probinsiya sa Bicol.

Ang naging hakbangin ng PNP ay alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte bunsod ng mga naitalang kaguluhan sa nasabing mga lugar na tinukoy na “lawless violence”.

“That is initially our response, compliance to the Memorandum Order (32) which we fully supported as part of the security sector of the government,” ayon kay Durana.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Gayunman, nilinaw ni Durana na nakasalalay pa rin sa magiging resulta ng isasagawang threat assessment ng pulisya at ng militar sa susunod na linggo ang magiging bilang ng puwersang ipadadala sa mga nasabing lugar.

Matatandaang pinirmahan ng Malacañang ang isang memorandum order na nag-uutos ng pagpapadala ng tropa ng pamahalaan sa Bicol, Negros Island at Samar.

Gayunman, umani ng batikos ang nasabing order dahil ang nasabing mga lugar ay balwarte umano ng oposisyon noong 2016 presidential elections.

“Well, there are indications that they may be included in the final list because the final list will still be coordinated with the Comelec (Commission on Elections) which is the lead agency during elections together with the AFP,” ayon pa kay Durana, na ang tinutukoy ang apat na nabanggit na lalawigan.

-AARON RECUENCO