MAHIRAP palang rebyuhin ang isang concert kapag sobrang ganda dahil hindi namin alam kung paano ito umpisahan dahil tiyak na marami kaming mami-miss kasi mas gusto naming manoood kaysa mag-take down notes ng mga nangyayari at kung ano ang repertoire.
Buti na lang at Regine at the Movies ang titulo ng concert ni Regine Velasquez-Alcasid kaya pawang movie theme songs ang repertoire niya na madaling tandaan lalo’t kapanahunan namin ang karamihan.
Pero bago namin makalimutan dahil kadalasang rebyu namin sa mga concert na napanood namin ay hindi na namin nabibigyang-pansin ang stage director kasi nga mas nag-concentrate kami sa performers.
Sobrang ganda ng stage ni Direk Paolo Valenciano. Sa bawat awit ni Regine ay may sariling backdraft design na may kinalaman mismo sa mga kanta kaya halos lahat ay napapa-wow bukod sa boses ng Songbird.
Ang theme song ng pelikulang The Bodyguard (1992) na I Will Always Love You ang opening number ni Regine na pampabuhay kaagad ng dugo, sabi ng ilan, dahil super taas na ng bersiyon niya ng kanta.
Ikalawa ang Eye of the Tiger mula sa pelikulang Rocky II (1979) at ang backdraft design ay silhouette ng boksingero habang nasa ibabaw ng ring at maraming nanonood.
Ang soundtrack ng pelikulang Flashdance (1983), ang What A Feeling ang ikatlong kinanta ni Songbird with matching sayaw kasama ang dancers (hindi namin nakuha ang pangalan).
Nang kantahin ni Regine ang ikaapat, ang Got to Believe in Magic na soundtrack ng huling pelikula nina Claudine Barretto at Rico Yan, Got 2 Believe (2002) mula sa Star Cinema na idinirek ni Olivia ‘Inang’ Lamasan ay ipinakita naman sa black and white video ang ilang eksena ng pelikula. Hindi nakaligtas sa aming pandinig ang pangusap na ‘hay, sayang si Rico Yan.’ Totoo naman talaga.
Nakakatuwa ang ilang audience dahil sinasabayan nila ang kanta ni Songbird. Bigla naming naalala na sobrang paborito pala namin ang Got to Believe in Magic noong nasa kolehiyo kami dahil lagi itong laman ng lahat ng disco na pinupuntahan namin, ha, ha, ha.
Pahulaan kami ng kasama namin kung ano ang ika-limang kakantahin ni Regine nang ipakita sa monitor ang pink lips, hanggang sa tugtugin na ni Raul Mitra (musical director) sa piano ang simula ng It Might Be You at tama kami, theme song ito ng pelikulang Tootsie (1982) ni Dustin Hoffman, na talaga namang hinangaan namin ang karakter pero hindi siya nanalo sa Academy Awards, dahil tinalo siya ni Ben Kingsley sa pelikulang Gandhi. Pero winner naman siya sa Golden Globe, BAFTA (British Academy Film Awards) at National Society of Film Critics Award.
Going back to Regine at the Movies, habang nag-i-spiel siya ay biglang dumating si Richard Gomez kaya nawala sa konsentrasyon si Katherine, role ni Songbird sa pelikula nila ng aktor na Ikaw Lamang Hanggang Ngayon (2002).
“Ay si Richard Gomez dumating, pa-kiss nga. (Paanong hindi ko makikita), katangkad na tao. (Sabay lingon sa likod) Nandiyan ba asawa (Ogie Alcasid) ko? Puwede pa. Ay nandiyan pala si Lucy (Torres Gomez)”.
Tawang-tawa ang lahat kasi sa hiya ni Regine ay nabitbit nito ang upuan at itinakip sa mukha sabay talikod.
Ang ika-anim na kanta ay ang Colors of the Wind na soundtrack sa Disney animated movie na Pocahontas (1995).
Nang kantahin na ang famous song ni Celine Dion na My Heart Will Go On nina Jack at Rose sa pelikulang Titanic (1997) ay natulala ang lahat dahil sa taas ng boses ni Regine. Itinodo na kasi niya ang vocal range niyang 9 Octaves kaya nagtayuan ang halos lahat ng tao sa loob ng New Frontier Theater at walang humpay ang mga ito sa kapapalakpak.
Grabe, nakakapigil hininga ang version ni Regine, huh, at pabiro niyang sabi na sa tuwing kinakanta niya ang My Heart Will Go On ay may pinagdadaanan siya.
Hayan, para ipahinga ang boses na halos mapatid ang litid ay mega-kuwento muna si Chona Velasquez na unang pangalang gamit niya sa Bagong Kampeon (1984). Nabanggit niya ang mga pelikulang nilabasan niya tulad ng Elvis and James (1990) nina Joey de Leon at Rene Requestias; Pik Pak Boom (1988).
“After those movies, I stop kasi I don’t see the point. Kasi gusto ko talaga maging singer, hind imaging artista, hindi ko naisip. Baka si boss (Ronnie Henares nasa audience) naisip mo, ako kasi hindi,” kuwento ng singer.
Hanggang sa inalok daw siya ni Viva boss Vic del Rosario na hindi malinaw kay Regine kung ano ang gagawin niya dahil sabi sa kanya, ‘ikaw na lahat ‘yan.’ Hindi ko alam kung ano ba ako, artista o direktor. Hanggang sa dumating na ‘yung ‘Wanted Perfect Mother’ (1996) and the rest is history.”
At nang kantahin ni Francine (karakter ni Regine) ang Kailangan Ko’y Ikaw (2000) ay marami ang kinilig lalo’t ipinakita rin sa black and white video ang ilang eksena nila ni Robin Padilla na unang pelikula nilang dalawa. Ito rin ang unang beses na nagbago ng imahe ang aktor mula sa pagiging action star, kaya kabadong-kabado noon si Binibining Joyce Bernal dahil baka hindi tanggapin ng tao si Binoe.
Pero nag-click ang tambalang Regine at Robin kaya nasundan pa ito ng Till I Met You (2006).
Ang ganda ng version ni Regine ng awiting Tagpuan ni Moira dela Torre na sountrack ng Kasal (2018) at binati niya ang bayaw niyang si Raul dahil sa napakagandang musical scoring nito sa pelikula nina Bea Alonzo, Paulo Avelino at Derek Ramsay.
Hiyawan na ang lahat nang ikuwento ni Regine na ang tatawagin niyang makakasama niya sa entablado ay super idol niya, si Sharon Cuneta at nag-duet sila ng Bituing Walang Ningning (1985) na titulo rin ng pelikula nina Shawie kasama sina Cherie Gil at Christopher de Leon.
Iyak ng iyak si Regine habang kumakanta sila ni Sharon dahil nakaka-relate siya sa kuwento ng pelikula bilang idol niya si Megastar na gumanap naman bilang si Dorina.
Kinanta rin nila ang Pangarap na Bituin na parehong titulo rin ng TV series nina Sarah Geronimo, Maja Salvador, Rica Peralejo at Jericho Rosales na umere noong 2007 sa ABS-CBN.
Ang ganda ng stage dahil punumpuno ito ng mga makukulay na bituin na ibinagay ni Direk Paolo sa mga awitin.
Dahil sa sobrang tuwa ni Sharon kay Regine, binigyan niya ng singsing ang huli na halos hindi makapaniwala.
Ang ibinigay na singsing ay Flower Cocktail Diamond Ring na ayon kay Sharon ay katulad ng singsing na isinubasta sa pelikulang Sex and the City na gustung-gusto ng bidang si Kim Cattrall (Samantha) pero hindi niya nakuha dahil sobrang mahal.
Kuwento ni Sharon kay Regine, gustung-gusto rin niyang mag-bid sana pero hindi naman puwede dahil eksena iyon sa pelikula kaya nagpagawa siya ng katulad ng singsing sa kaibigan niyang si Connie Dizon.
Habang isinusuot ni Mega ang singsing sa daliri ni Songbird ay panay ang bilin na ingatan dahil parte ito ng kinita niya sa 40 years niya sa industriya at panay ang halik ng una sa singsing dahil mami-miss raw niya.
Napansin naming marami ding alahas na suot din si Regine kaya sabi ni Sharon, “ano naman ang ibibigay mo sa akin, exchange tayo” sabay tingin sa singsing na medyo maliit kumpara sa bigay niyang bulaklaking singsing na takip ang tatlong daliri ni Songbird.
Pero sinagot ni Regine ng, ‘hiniram ko lang ‘yan, hawakan mo muna.”
Wala na kasing paglalagyan sa mga daliri niya.
“Ah, e, kanino ko ito isosoli,” tanong ni Shawie kay Reg.
“Iwan mo na lang sa guard d’yan sa likod,” sagot ni Regine habang aakmang paalis na.
Nagkatawanan ang lahat dahil sa facial expression ng Megastar at sabay sabing, “ito (sabay pakita ng singsing na suot niya) pina-guard n’yo pa?” Na ibig sabihin ay sobrang liit at malayo sa ibinigay niyang singsing kay Regine.
Habang nagkakatawanan ay nakita ni Regine ang asawang si Ogie Alcasid na nasa tabi, “uy, nandiyan ka pala (sabay lapit), halika na-miss kita” (may pinanggalingan kasi si Ogie).
Birong sabi pa sa asawa, “sa liit hindi ko makita, kala ko tuloy nakaluhod.”
Sa totoo lang bentang-benta lahat ng jokes ni Regine kaya parating sold-out ang concerts niya dahil bukod sa ganda ng boses ay aliw na aliw ang lahat, kasama na kami, dahil sa mga adlib niya.
Ang ganda nga ng batuhan nila ni Sharon at bagay silang magsama sa isang movie project na comedy ang tema. Sana maisip ng Star Cinema na pagsamahin silang dalawa.
Anyway, may spot number si Shawie, ang awiting To Love Again na parehong titulo ng pelikula nila ng nasirang Miguel Rodriguez noong 1983. Hmm, habang nanonood kami ay may sitsit sa amin na, ‘first boyfriend niya si Miguel.’
Bago bumalik si Regine ay ipinakita sa monitor ang logo ng 007 movie na silhouette ng isang babae na may dalang toy poodle habang pinatutugtog ang soundtrack ng James Bond movies.
Sakto, kinanta niya ang Nobody Does it Better na soundtrack ng Spy Who Loved Me (1977) at ang For Your Eyes Only na pareho ring titulo na ipinalabas noong 1981 na pinagbidahan ni Roger Moore. Sinundan ng Diamonds Are Forever same movie title (1971) na si Sean Connery ang bida.
Pagkatapos ng Bond movie theme songs ay bahagyang nagkuwento si Songbird na kapag may pinagdadaanan siya ay parati niyang pinapanood ang ultimate favorite movie niyang Pretty Woman (1990) dahil nakaka-good vibes para sa kanya at dahil sa ilang libong beses na niyang napanood ay memorize na niya ang linya ni Julia Roberts kay Richard Gere.
Iniba ni Raul ang areglo ng theme song ng Pretty Woman na Must Have Been Love dahil ballad ang bersyon ni Regine kumpara kay Roxette na pop.
Sinundan ng awiting The Way He Makes Me Feel sa pelikulang Yentil (1983) na pelikula ni Barbra Streisand na isa rin sa musical influences ni Regine.
“At dahil malapit na ang Pasko gusto ko kayong handugan ng Christmas song. Wala naman kayong choice, eh kasi kakanta pa rin ako,” spiel ni Regine.
White Christmas ang sumunod na kinanta ni Regine na isa sa soundtrack ng pelikulang Holiday Inn musical movie noong 1942 na black and white pa. Pati ang backdraft display ay black and white na snow with matching Christmas tree.
Mash up naman ng mga awiting With One More Look At You na soundtrack ng pelikulang A Star is Born ni Barbra noong 1976 at I’ll Never Love Again na orihinal na kanta ni Lady Gaga sa remake rin ng pelikula ngayong 2018.
Dumilim ang buong theater at spot light lang ang nakatutok kay Regine sa stage habang kinakanta niya ang Love of My Life, soundtrack ng biofilm ni Freddie Murphy na Bohemian Rhapsody (2018).
At ang pang 21st song ni Regine na I Don’t Want to Miss A Thing mula sa pelikulang Armageddon (1998) na kinanta ng Aerosmith.
Ang encore ay ang danceable song na Hold My Hand mula sa pelikulang Bridget Jones Baby (2016) na original song ni Jess Glynne kaya sayawan ang lahat.
Umabot sa 22 songs ang repertoire ni Songbird sa loob ng mahigit dalawang oras na show ng Regine at the Movies at ganito rin daw karami ang kinanta niya sa dalawang shows noong Nobyembre 17 at 25 at magkakaiba ang mga kanta.
Grabe, kahit medyo mahal ang ticket ay sold out ito at marami pang humihirit na magkaroon ng repeat. Sana rin daw ay sa mas malaking venue para mas marami ang makakapanood.
Samantala, marami kaming nakitang mga taga-GMA 7 sa left VIP side ng New Frontier Theater na pawang naka-trabaho ni Regine bago siya lumipat, may ilan kaming nakitang taga-TV5 at siyempre marami kaming nakitang taga-ABS-CBN na sumuporta rin sa kanya.
-REGGEE BONOAN