THANKFUL si Rayver Cruz na nangunguna sa ratings sa mga afternoon series ang first teleserye niya sa GMA-7 na Asawa Ko Karibal Ko.
“Nakakatuwa, masaya po ako kasi nga ayaw ko rin na iyong first show ko rito, walang masyadong manood,” nakangiting sabi ni Rayver sa set ng serye, kung saan leading ladies niya sina Kris Bernal at Thea Tolentino.
“Yes po, nandun ang fear, hindi naman mawawala ‘yun. Na baka hindi mag-rate. As an artist, alam mo ‘yun.
“Pero if you trust the process, trust the story, and tiwala sa team and of course, award-winning ang direktor namin si Mark Sicat dela Cruz. Ang galing din ng mga writers, and of course, ‘yung dalawa kong leading ladies, magagaling sila.
“Parang wala naman yatang history sina Kris at Thea na hindi pumi-pick up ‘yung shows nila. Kaya thank you, guys, nadamay ako sa inyo, dahil lahat ng shows ninyo, nagre-rate,” mensahe ni Rayver kina Kris at Thea.Patok din kasi sa televiewers ang sweetness nina Kris at Rayver sa mga eksena, bilang boyfriend-girlfriend sila. Very open din si Kris na hindi pa siya artista ay fan na fan na siya ni Rayver at nagka-crush pa siya sa aktor.
Pero nilinaw ni Kris na ngayon ay hindi na niya crush si Rayver, dahil may boyfriend na siya at may girlfriend na rin si Rayver, si Janine Gutierrez.
Kaya nga kahit sa pagkukulitan nila habang kaharap ang mga press na bumisita sa set nila, ay marami ang natutuwa sa kanila. Wala silang ilangan.
Natanong sila kung may kissing or love scenes sila sa story, at inamin nilang may nakuhanan na silang kissing scenes.
“Kailangan lang ipakita namin na in-love kami through our kiss. Mahirap kasi na ipe-pretend mo lang ang kiss, mahahalata sa screen. But since TV at sa hapon kami napapanood, hanggang kiss lang talaga,” paliwanag ni Kris.
Sino ang mas magaling humalik sa kanila?
“Masarap humalik si Rayver,” sabi ni Kris, na ikinakilig ni Rayver.
“Mas magaling humalik si Kris,” sabi ni Rayver. “Parang ang dami na niyang ginawang ganoong kiss.”
“Totoo naman,” pag-amin ni Kris.
Napapanood ang Asawa Ko, Karibal Ko, Mondays to Saturdays, pagkatapos ng Eat Bulaga.
-Nora V. Calderon