WINALIS ng National University ang University of the Philippines Integrated School, 25-13, 25-14, 25-19, para makalapit sa inaasam na outright Finals berth nitong Sabado sa boys division ng UAAP Season 81 high school volleyball tournament sa Blue Eagle Gym.
Nagposte si Mac Bandola ng siyam na puntos na kinabibilangan ng apat na service aces habang nagdagdag si Michael Fortuna ng pitong puntos upang pamunuan ang Bullpups sa pag-angkin sa ika-13 sunod nilang panalo.
Ang Far Eastern University-Diliman na lamang ang nalalabing hadlang para sa target ng NU na direktang umusad sa best-of-three championship.
Sa iba pang laro, tinalo ng Adamson University ang FEU-Diliman, 25-20, 25-22, 25-18, pinataob ng University of the East ang Ateneo, 25-3, 25-17, 25-21,habang ginapi ng defending champion University of Santo Tomas ang De La Salle-Zobel, 25-19, 25-16, 25-15.
Dahil sa panalo, umangat ang Tiger Cubs ikalawang puwesto at tumabla sa Baby Tamaraws na bumaba naman sa markang 9-4.
Kasunod nila ang Junior Warriors at Baby Falcons na may identical 8-5 na kartada.
-Marivic Awitan