NANATILING malinis ang marka ng Nazareth School of National University Bullpups nang gapiin ang University of Santo Tomas Tiger Cubs, 84-55, kahapon sa UAAP Season 81 juniors’ basketball elimination sa Blue Eagle Gym.

Nadomina ng NU ang tempo ng laro sa second quarter sa umaalimpuyong 12-0 run para mahila ang bentahe sa 19 puntos, 41-22.

Nakamit ng Bullpups ang ikatlong sunod na panalo, habang natikman ng Tiger Cubs ang ikalawang kabiguan sa tatlong laro.

Nanguna si Kevin Quiambao sa naiskor na 13 puntos at walong rebounds, habang kumana si Terrence Fortea ng 11 markers.

Nanguna sa UST si Johnvic Casingcasing na may 19 puntos, habang humablot si Bismarck Lina ng 10 puntos at 19 boards.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Sunod na haharapin ng Bullpups ang UPIS Junior Fighting Maroons sa Sabado (Dec. 1) ganap na 9:00 ng umaga, habang magtutuos ang Tiger Cubs at UE Junior Red Warriors sa 1:00 ng hapon.

Sa ikalawang laro, naisalba ng Adamson Baby Falcons ang matikas na pakikihamok ng UE Junior Red Warriors para maitarak ang 56-44 panalo.

Naghabol sa siyam na puntos sa kabuuan ng laro, nagawang makausad ng Adamson sa pamamagitan ni Cyrus Nitura na umiskor ng limang sunod na puntos para maagaw ang 34-32 bentahe.

Nagpalitan ng bentahe ang magkabilang panig, ngunit mas naging matatag ang Falcons sa krusyal na sandali.

Nanguna si Ap Manlapaz sa Adamson na may 14 na puntos, 16 na rebounds, at apat na assists.

Kumana si UE big man Jessie Sullano ng 12 markers at 11 boards.

Iskor:

(Unang Laro)

NU (84) -- Quiambao 13, Fortea 11, Abadiano 10, Torres 10, Felicida 9, Gonzales 9, Alarcon 5, Tamayo 5, Enriquez 4, Buensalida 3, Abiera 3, Dayrit 2, Vinoya 0, Mailim 0, Songcuya 0.

UST (55) -- Casingcasing 19, Lina 10, Nonoy 9, Benzonan 5, Dolendo 3, Estrella 2, Marzan 2, Sumabat 2, Gamboa 2, Manabat 1, Barranco 0, Dumlao 0, Oliva 0, Javier 0.

Quarter Scores: 15-10, 41-25, 62-43, 84-55.