SA gitna ng mabilis na pagsulong ng siyensiya ng telecommunication sa buong mundo, nakatatangos ng ilong na malaman na may mga millennial palang Pinoy na sumasakay sa pag-unlad na ito upang makatulong sa mga kasing gulang din nilang kababayan natin, na maging magaan ang paghahanap ng trabaho, gamit lamang ang kanilang mga cellular phones.
Nakaharap ko ang grupong ito na binubuo ng mga millennial na kahit may kani-kanyang trabaho sa mga kumpanyang iba-iba ang linya -- sa tulong ng ilang round ng bote ng light beer nang magkatagpo at maging magkakaibigan –ay bumuo ng isang kumpanyang tumutulong sa mga kabataan na gustong magkatrabaho kahit na hindi graduate sa kolehiyo, ngunit armado naman ng kakayahan sa platapormang kinasanayan nito.
At sa paghahanap ng trabaho ng mga aplikante – gamit ang inimbento ng grupo na “mobile application’ na kailangang i-download at i-install sa “smart phone” ng mga naghahanap ng trabaho –wala silang dapat alalahanin sa gastos, hazzle at higit sa lahat, nagagawa ito sa pinakamabilis na paraan.
Sa kuwentuhan namin ni Rommel Torres, ang batambatang “bossing” ng grupong Findwork – buo ang tiwala ng kanilang grupo na ‘di magtatagal ay siguradong tatangkilikin ng mga millennial nating kababayanan ang kanilang kumpanya, at darami ang matutulungan nilang makahanap ng tamang trabaho base sa kakayahan at kaalamang pang-praktikal ng aplikante.
Mga “skilled” at “service worker” ang pangunahing hinahanap ng grupo ni Torres at hinihikayat niya ang mga millennial na subukan ang findwork – ‘wag mag-alala na ‘di sila graduate ng kolehiyo dahil talento sa paggawa ang kalimitang kailangan ng kumpanyang tinutulungan nilang maghanap ng mga aplikante.
“Hindi na kailangang mag-aksaya ng oras sa paghihintay sa tawag, na maaaring hindi naman dumating kapag naghahanap ka ng trabaho. Findwork ang bahala sa iyo,” ang buong pagmamalaking sabi ni Torres.
I-download at i-install ang Findwork apps sa kahit anong “smart phones” at gamitin ito sa paghahanap at pag-apply sa trabahong kursunada ng aplikante. Sinisiguro ni Torres na sa loob lamang ng limang araw ay may “feedback” na agad mula sa kumpaniya na inaplayan -- ‘yun nga lang, puwedeng ‘di maging maganda ang balita, ngunit ang mahalaga rito ay ‘di ka pinaasa dahil alam mo na agad kung tanggap ka o hindi.
Ang gusto ko sa app na ito ay ang chat feature nito – dito ay maaari agad na ma-interview ang aplikante na magpapabilis sa “recruitment process” lalo pa’t angkop sa posisyon ang kakayahan ng aplikante at kailangang agad itong mapunuan ng tao.
Ang isang makataong dahilan na nagtulak sa mga batang executive na ito sa kanilang adhikain na tulungan ang nakararaming “skilled workers” sa ating lipunan, ay dahil sa naglipana ang mga sindikato na sinasamantala ang mga kabataang gustong makapagtrabaho.
Sa halip kasi na trabaho ang makuha ng mga aplikante – sila pa ang nahuhuthutan ng pera ng operator ng mga pekeng “job placement agency” na ito, o ‘di kaya naman ay nagiging “salesman” sila ng kung anu-anong produkto na ipinalalako at ipinabebenta – at nakalimutan na ‘yung trabaho na inaplayan nila.
Kalimitan nang mababasa ang mga “job order” na ito sa poster na nakapaskil sa mga pader at poste ng kuryente sa mga mataong lugar, at kalsada na malapit sa mga paaralan sa iba’t ibang distrito sa Metro Manila.
Nang tanungin ko si Torres kung bakit tila pang millennial lang ang apps nila – mabilis ang naging sagot niya: “Nasa mesa na po ang pag-aaral namin kung paano tutulungang makahanap ng trabaho ang mga senior citizen natin na karamihan naman ay qualified pang pumasok sa trabaho.”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.