ANG labanan para sa Best Player of the Conference na dating dinodomina lamang ng isang manlalaro ay naging three-cornered fight ngayon sa pagitan nina Christian Standhardinger ng San Miguel, Paul Lee ng Magnolia at Chris Banchero ng Alaska patungo sa PBA Governors Cup finals.

Dating malayong nangingibabaw si Standhardinger sa statistical race ngunit ngayon ay dumikit na sina Lee at Banchero makaraang pamunuan ang kani-kanilang koponan papasok ng finals.

Para naman sa Best Import award, naiwang mahigpit na magkalaban sina Alaska Milk import Mike Harris at Magnolia reinforcement Romeo Travis.

Nangalaglag sa laban sina Barangay Ginebra import Justin Brownlee, Phoenix Petroleum import Eugene Phelps, Meralco import Allen Durham, NLEX import Aaron Fuller at Blackwater import Henry Walker makaraang hindi umusad ang kanilang mga koponan sa finals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakalalamang sa stats si Harris sa itinala niyang average na 30.31 puntos, 20.69 rebounds, 2.81 assists, 1.13 steals at 1.00 block kumpara kay Travis na may 24.5 puntos, 14.8 rebounds, 4.81 assists at 2.0 steals average.

Kasalukuyan pa ring nangingibabaw si Standhardinger na may natipong 41.9 Statistical Points.Ngunit, naging malamlam ang kanyang tsansa dahil ni hindi umabot ang Beermen sa semifinals.

Pumapangalawa sa kanya si Stanley Pringle ng NorthPort na may 34 SP’s at pangatlo si Japeth Aguilar ng Ginebra na may 32.9 SP’s, ngunit gaya ni Standhardinger ay inaasahan ding malalaglag dahil hindi sila nakaabot ng finals.

Kasunod nila sina Lee (31.64) at Banchero (31.56) na inaasahan namang parehong aangat dahil sa pag-usad ng Hotshots at Aces sa championship round na magsisimula sa Disyembre 5 sa MOA Arena sa Pasay City.

Bukod sa stats, ang BPC at Best Import ay pagbobotohan ng mga players, sports media at PBA Commissioner’s Office.

-Marivic Awitan