Bangkay na nang madiskubre ang isang jeepney barker sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang biktima na si Jhon Boy Caspisillo, 45, ng Barangay Guadalupe Nuevo sa nasabing lungsod.
Sa ulat, natagpuan ni Arab Mendoza, 34, driver, ang biktima na wala nang buhay sa tabi ng canteen na matatagpuan sa panulukan ng Sta. Rita at Escuala, Bgy. Guadalupe Nuevo, Makati City nitong Sabado, dakong 10:00 ng gabi.
Agad ipinabatid ni Mendoza sa awtoridad ang nadiskubre.
Sa pahayag sa awtoridad ng isang concerned citizen, si Caspisillo ay may sakit na posibleng sanhi ng kanyang pagkamatay.
Gayunman, nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya at hinihintay pa ang resulta ng autopsy ng biktima.
-Bella Gamotea