PITO sa 30 community volunteer-nominees para sa 5th Regional Bayani Ka! Awards ang kinilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng programang Kapitbisig Laban sa Kahirapan: Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi: CIDSS), nitong Biyernes.

Sa temang “Bahandi Bayani Ka!” (‘Bahandi’ na salitang Hiligaynon para sa “wealth”), nagsilbing daan ang seremonya sa pagkilala sa mga volunteers ng isa mga poverty alleviation program ng pamahalaan, na naglilingkod upang masiguro ang ikatatagumpay nito.

Sa kanyang mensahe, inilarawan ni DSWD Assistant Secretary for Promotive Operations and Programs Group Rhea B. Peñaflor ang volunteers bilang “wealth” ng Kalahi.

“Without the volunteers, we will not be able to implement the programs. We will not be able to uplift the lives of our fellow Filipinos who are poor, who are vulnerable, who are disadvantaged sectors of the community,” ani Peñaflor.

Ibinahagi rin ng opisyal ang kanyang karanasan sa pagiging isa ring volunteer noong kabataan niya.

“We are able to inspire and make people feel better about themselves, dignify themselves and then they also dignify others and in turn, because they have a good well-being, they do want also to step up, study and they don’t want to be poor,” kuwento ng opisyal.

Kabilang sa mga nagwagi na nakatanggap ng P5,000 cash prize at plaque ang mga barangay sub-project management committees ng Inagdangan Sur, Zarraga Iloilo para sa ‘improved local governance’; Barangay Inayawan, Libertad, Antique para sa ‘elderly’; Barangay Catungan-Bugarot, San Jose, Antique para sa ‘gender and development’; Barangay Alimodias, Miagao, Iloilo para sa ‘environment protection’; Barangay Dacal, San Enrique, Iloilo para sa ‘Indigenous Peoples’ Welfare’; Barangay Maspasan, Calinog para sa ‘persons with disability’; at ang Barangay Bo. Calinog Farmers Association of Calinog, Iloilo para sa ‘sustained community volunteer group’.

Pinarangalan sina Ferdinand C. Selloriquez para sa improved local governance; Leonoro Roberto, Jr., representing the elderly; Gemma T. Chicano, gender and development; Ramonito S. Sabug, environment protection; Elna Mallo, Indigenous Peoples’ welfare; Ma. Lea M. Carillo, persons with disability; at Ma. Alma Laredo, sustained community volunteer group.

Sa pagbabahagi ni Sabug, pangulo ng Alimodias Upland Farmers Association, nagsimula umano ang kanilang samahan ng 54 na miyembro noong 2012 na ngayon ay may 236 na miyembro o 95 porsiyento ng kabuuang populasyon ng kanilang barangay.

Unang pinasok ng samahan ang coffee planting project ng Department of Agriculture, na kalaunan ay kinuha ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa iba’t ibang programa, tulad ng Integrated Social Forestry, National Greening Program, at ang Forest and Climate Change Protection Project.

Habang pinamamahalaan nila ang halos 800 ektaryang lupain ng kanilang barangay, nagtatrabaho rin ang mga miyembro ng asosasyon sa mga reforestation projects sa kalapit na lugar ng San Joaquin at Igbaras na sumasakop sa mahigit 250 at 150 ektaryang lupain.

Nakikibahagi rin sila sa mga income-generating and livelihood projects, tulad ng babuyan at pagpapastol ng kambing.

Ang mga miyembro rin ng kanilang samahan ang bumubuo sa sub-project management committee, na nagpapatupad ng proyektong farm-to-market road sa ilalim ng Kalahi program.

“We plan to convert into a cooperative. We hope to manage the drop-off center (bagsakan) in our town,” pagbabahagi ni Sabug.

PNA