SA Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas, ang pamahalaang bayan at maging ang mga mamamayan at mga pintor ay halos nagkakaisa ng pagkilala at pagpapahalaga sa National Artist na si Carlos Botong Francisco. Ipinagmamalaki nila siyang kababayan tulad ng kanilang pagkilala sa National Artist sa musika na si Maestro Lucio D. San Pedro.
Sa pagkilala at pagpapahalaga kay Botong Francisco, ang Sanguniang Bayan ng Angono ay nagpatibay ng isang Municipal Resolution na ang isang mahabang lansangan sa Barangay San Isidro patungong Bgy. Mahabang Parang ay ipangalan sa National Artist. Tinawag ang kalsada na Botong Francisco Avenue. Bukod dito, ang National High School sa Bgy. Mahabang Parang ay nakilala naman sa tawag na Botong Francisco National High School. Ang naturang barangay ang kaisa-isang mountain barangay sa Angono.
Si Botong Francisco ang kaisa-isang pintor na bumuhay sa sining ng miyural at itinaguyod niya ito sa loob ng tatlumpung taon. Sa pagbabalik-tanaw sa buhay ni Botong Francisco, bilang isang taga- Angono, aktibo siya sa pagtataguyod at paglulunsad ng mga proyektong pangkultura sa Angono. Sa paglulunsad, kasama ni Botong Francisco ang kanyang mga kaibigan na ang iba’y pintor din na matapat na sumusuprta sa mga proyekto at programa na inilulunsad ni Botong Francisco sa Angono.
Kung Pista ni San Clemente sa Angono tuwing Nobyenbre 23, si Botong Francisco at ang kayang mga kaibigan ay kasama sa Pagoda o fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Angono. At matapos ang fluvial procession, si Botong Francisco at ang kanyang mga kaibigan ay kasama sa masaya, makulay at makahulugang prusisyon-parada paahon sa bayan. Sa prusisyon-parada ay kasama ang mga imahen nina San Clemente, ng Mahal na Birhen at ni San Isidro.
Ang Pista ni San Clemente sa Angono ay imortal na sa likhang-sining ni Botong Francisco. Ang miyural tungkol sa Pista ni San Clemente ay naisalin o nagawa na sa relief sculpture. Makikita ngayon sa bakod na pader ng isang bahay sa Bgy. Poblacion Itaas. Ang Pista ni San Clemente sa Angono ay binigyang-buhay na rin sa mga likahang-sining ng mga pintor sa Angono.
Bukod dito, ang iba pang likhang-sining ni Botong Francisco ay nasa relief sculpture na rin. Nakalagay at makikita sa mga bakod na pader ng mga bahay sa Bgy. Poblacion Itaas. Pinupuntahan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang kolehiyo sa Metro Manila, sa mga bayan sa Rizal at karatig-lalawigan at ng mga lokal at dayuhang turista. Kinukunan ng larawan, ibini-video, at may nagpapakuha ng larawan sa tabi o tapat ng mga relief sculture ng lihang-sining ni Botong Francisco. Ang ibang mga mag-aaral at turista ay nagpupunta rin sa bahay ni Botong Francisco. Minamasdan ang studio-gallery ng National Artist, kung saan makikita ang ilan sa kanyang mga likhang-sining, ang mga artikulo tungkol sa kanya na nalathala sa iba’t ibang magasin. Isa sa makatawag-pansin sa studio at art gallery ng National Artist ay ang malaking reproduction ng likhang-sining na “Bayanihan”. Ang isa sa version ng “Bayanihan” ni Botong Francisco ay makikita sa gusali ng United Laboratory o Unilab sa Mandaluyong City.
Sa kanang bahagi ng bahay ni Botong Francisco ay may isa ng art gallery. Makikita rito ang ilan sa reproduction ng mga likhang-sining ng National Artist. Ang art gallery ay pinamamahalaan at nasa pangangalaga ni Carlos Totong Francisco, isa ring pintor at apo ni Botong Francisco. Makikita sa art gallery ang ilan sa likhang-sining ni Totong Francisco.
Ang nangasiwa sa paggawa ng mga relief sculpture ng mga likhang-sining ni Botong Francisco ay ang dating kapitan ng Bgy. Poblacion Itaas, si Rizal Province board member at ngayon ay Angono Sanggunian Bayan member Armando “Arling” Villamayor. Ang mga pintor-iskultor naman na gumawa ay sina Alex Villaluz at Gerry Bantang. Ang tagumpay ng proyekto para sa mga relierf sculpture ay sa tulong nina dating Rizal Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at Rizal Congressman Bibit Duavit.
Sa ngayon, ang mga relief sculpture ng mga likhang-sining ni Botong Francisco ay isa nang tourist destination sa Angono.
-Clemen Bautista