NADOMINA nina Jeo Santisima at KJ Cataraja ang mga karibal na Mexican, samantalang pinatulog sa isang round ni Albert Pagara ang kalaban mula sa Ghana para kumpletohin ang pagwawagi ng mga Pinoy boxer sa Pinoy Pride 45 card nitong Sabado sa IEC Convention Center sa Barangay Mabolo, Cebu City.

Bagama’t nangako sina Mexican Uriel Lopez at Victor Hugo Reyes na patutulugin sina Santisima at Cataraja para mahablot ang WBO Oriental super bantamweight title at bakanteng WBO Youth super flyweight crown, nabigo silang makaporma man lamang kaya kapwa natalo sa unanimous decisions.

Tinalo ni Santisima si Lopez sa mga iskor na 117-111, 118-110 at 117-111 para mapaganda ang kanyang kartada sa 17 panalo, 2 talo na may 14 na pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang rekord ni Lopez na kasalukuy na may 6 panalo sa knockouts.

Nagpakita naman ng tibay si Reyes sa knockout artist na si Cataraja na nanaig sa mga iskor na 99-91, 100-91 at 99-91.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Napaganda ni Cataraja ang kanyang kartada sa perpektong 9 na panalo, 7 sa pamamagitan ng knockouts samantalang bumagsak ang rekord ni Reyes sa 9-2-1 na may 7 panalo sa knockouts.

Pinaglaruan lamang ni Pagara si dating Ghanaian featherweight champion George Krampah na napatulog niya sa 1st round para mapanatili ang kanyang WBO Intercontinental super bantamweight title.

Napaganda ni Pagara ang kanyang rekord sa 31 panalo, 1 talo na may 22 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Krampah sa 14 panalo, 4 talo na may 12 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña