IPAGDIRIWANG ng buong bansa sa Martes, Nobyembre 27, ang Araw ng Pagbasa. Isang araw ng paghikayat sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga bata, na magbasa bilang pagpapahalaga sa kagandahang dulot nito, at ang inspirasyon at pag-asa na maaari nating makuha rito.
Nagsimula bilang isang lokal na adbokasiya na nagsusulong ng pagbabasa at literacy sa Quezon City ang pagtatakda ng Araw ng Pagbasa, na kalaunan ay naging taunang pagdiriwang na sa buong Pilipinas matapos pagtibayin ng Republic Act 10556 o ang The Araw ng Pagbasa Act of 2013 ni Quezon City Rep. Bolet Banal, at nilagdaan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ang Araw ng Pagbasa ay isinabay sa anibersaryo ng kapanganakan ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., kilalang reading advocate.
Kasabay ng mga pagbabagong dulot ng teknolohiya, nagkaroon din ng mga bagong paraan at kasangkapan sa pagbabasa. Gamit ang smartphone, tablet o laptop computer, at Internet, maaari nang mabasa ng mga libro, kuwento, artikulo, balita, o anumang akda online.
At para sa mga Pilipino, isa sa mga patok na basahin online ang sandamakmak na Facebook pages at ang Wattpad website, na kalaunan ay nagkaroon ng mobile app.
Kaiba sa mga ebook at printed na aklat, sa Wattpad ay malayang mag-publish ang sinumang manunulat—sikat man o sumusubok pa lang—ng sarili niyang akda. Sa pamamagitan nito ay mababasa na ng buong mundo ang sarili mong akda nang hindi dumadaan sa mga publisher o publishing house.
Binigyang-diin ng Wattpad na ito ay “changing the publishing game”, dahil pinapagaan nito ang masalimuot na pinagdadaanan ng isang akdang ilalathala. Isa rin itong oportunidad para makapagpakilala ang isang baguhang manunulat.
Sa isang artikulo ng Forbes magazine, tinukoy na nasa 65 milyon ang aktibong Wattpad users sa mundo, karamihan ay babaeng nasa edad 30 pababa, na gumugugol ng 383 milyong oras kada buwan sa nasabing website o mobile app—at malaking bahagi nito ay mga Pilipino.
Pumangalawa ang Pilipinas sa Amerika sa dami ng Wattpad users, at hindi na rin naman maipagkakaila ang popularidad ng website para sa mga Pilipino. Sa katunayan, ilang kuwento na sa website ang ginawang teleserye at pelikula, kabilang ang Diary ng Panget, na pinagbidahan nina James Reid at Nadine Lustre, at ang She’s Dating The Gangster na tinampukan naman nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Bukod sa ginagawan ng teleserye at pelikula, marami ring nobela sa Wattpad ang naging libro, o print version, gaya ng nangyari sa awtor na si Jonaxx, na tinaguriang “Pop Fiction’s Queen” ng ilang magazines matapos siyang makakuha ng mahigit isang milyong followers sa Wattpad, at kinilalang Most Followed Wattpad Author worldwide. Siyam na obra niya sa Wattpad ang naging libro na, kabilang ang Heartless, na kinilalang Filipino Readers’ Choice Award for Romance in Filipino noong 2015.
Naiba man ang paraan ng pagbabasa, partikular ng millenials ng kasalukuyang henerasyon, nakakatuwang isipin na patuloy na nagbabasa ang mga Pilipino, habang matagumpay na nakaaagapay sa mga pagbabago sa teknolohiya.
-MYCA CIELO M. FERNANDEZ