PANGUNGUNAHAN ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng sabay-sabay na pagbabasa ng kuwento sa mga estudyante sa elementarya at sekundarya sa buong bansa sa Martes, Nobyembre 27, ang pagtatapos ng National Reading Month.

Ang synchronized story reading, o “Araw ng Pagbasa” challenge, ay isasagawa sa Martes, dakong 9:00 ng umaga.

Layunin ng aktibidad na maitaguyod ang pagmamahal ng mga estudyante sa pagbabasa ng pisikal na libro, sa kabila ng bago at nauusong paraan ng pagbabasa gamit ang modernong teknolohiya.

May temang “Pagbasa: Susi sa Magandang Kinabukasan”, inaatasan ng DepEd ang lahat ng eskuwelahan at mga estudyante na makibahagi sa pagdiriwang.

Human-Interest

UST, ibinida grades ni Dr. Jose Rizal bilang mag-aaral ng Medisina

Sa Memorandum No. 175 (series of 2018) ng DepEd, partikular na inoobliga ang mga school administrator, division chief, at iba pang opisyal ng DepEd na makibahagi sa story reading sa mga estudyante sa kani-kanilang paaralan, bukod sa iba pang mga aktibidad para sa National Reading Month.

Nakapaloob din sa direktiba ng DepEd na maaari ring makibahagi ang mga local government unit at iba pang ahensiya ng gobyerno sa anumang aktibidad para sa pagdiriwang.

Noong nakaraang buwan, trending sa social media ang pag-iikot sa Maynila ng “library-on-wheels” o mobile library ng Manila Police District (MPD), na pangunahing pinakinabangan ng mga batang palaboy.

Layunin ng MPD na maisulong pa rin sa mga bata, pumapasok man sa eskuwela o hindi, ang pagmamahal sa pagbabasa.

-ROMMEL P. TABBAD