NAGBABASA ka ba?
I bet, ang unang pumitik sa isip mo ay alalahanin ang titulo ng huling librong binuklat mo, na sa katagalan ay hindi mo na matandaan. Tama? (I guess the bookworms are shaking their head hard into disagreement.)
Kung tutuusin, araw-araw tayong nagbabasa at likas na mahilig magbasa ang mga Pilipino. Hindi nga lang specified o tuwirang pagbabasa gaya ng nakasanayang “pagbabasa”, na ibig sabihin ay pagbubukas ng aklat, pag-unawa at pagbigkas sa bawat salitang nakalimbag dito, at maingat na paglilipat ng maninipis na pahina ng libro na kay sarap langhapin. Relate?
Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unting naisasantabi ang kasanayang ito dahil sa modernong teknolohiya. Ang oras na nailalaan noon sa pagbabasa ng pisikal na libro o dyaryo ay inilalaan na ngayon sa pagbabasa ng mga komento sa comment box section ng viral na posts o video sa iba’t ibang social media platform. Mayroon na ring mga ebook, na mas convenient para sa iba dahil naka-install ito sa cell phone, gayundin ang panonood ng mga palabas sa telebisyon, sinehan, at maging sa streaming apps, na usong-uso ngayon.
At dahil tutok ang pansin ng publiko sa mga kaganapan sa social media at sa mga nabanggit na libangan, isang malaking bagay naman ito para sa mga celebrity—na pinagkakaguluhan sa socmed at mga programa sa TV. (Kahit nga ang sinumang nag-viral sa social media ay considered “one-time celebrity”) Bakit? Dahil dito lalaki ang market nila nang walang kahirap-hirap.
And speaking of books and celebrities, ilang idols na rin ang idinagdag ang pagiging book author sa listahan nila ng achievements.
Gaya ng rason ng ibang book author, gumawa sila ng libro upang ibahagi sa iba ang kanilang mga opinyon, pananaw at makulay na imahinasyon.
Narito ang ilan sa mga pinag-usapang libro ng mga celebrity:
- Dear Alex, Break na ü Kami, Paano? Love, Catherine (2014). Written by Alex Gonzaga, ang anyo ng librong ito ay kuwelang pagsagot ng actress-TV host sa mga karaniwang tanong tungkol sa pagiging broken-hearted at pagmu-move on. Ayon kay Alex, ito ay “para sa mga single na, single pa, single by choice, at ‘di matanggap na single sila”.
- Besties (2015) Ang librong ito ng mag-best friend na sina Georgina Wilson at Solenn Huessaff ay tungkol sa iba’t ibang stage ng pagkababae. Isa rin itong journal kung paano mapapabuti ang sarili sa iba’t ibang paraan, pagyakap sa imperfection, pagiging masaya at pagbalewala sa mga negatibong bagay na makaaapekto sa sarili. Of course, bilang mga beauty gurus, may kalakip din itong beauty and fashion do’s and dont’s.
- Beyond the Mark (2018) It’s true na “there is no loyal friend as a loyal book” (Ernest Hemmingway). Maaaring iugnay ang sipi na ito sa naging rason ni Mark Bautista sa paglalabas ng nasabing libro. Kontrobersiyal ang Beyond the Mark dahil una, dito inihayag ni Mark ang kanyang tunay na seksuwalidad. Pangalawa, mabibigat ang mga rebelasyon niya sa libro, partikular ang naranasang sexual harassment na ilang taon niyang itinago. At pangatlo, ipinagkatiwala niya sa lakas ng kanyang panulat ang buhay na tatahakin niya sa mata ng publiko, dahil sa kanyang celebrity status.
- Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo? (2012) “Sadyang mailap ang humanap ng tunay na pag-ibig. Madaling sabihing mahal kita, madaling isiping mahal ka niya, pero paano mo malalamang... ito na, eto na talaga?” Isa lang ito sa napakaraming love advice ni Ramon Bautista sa librong ito. Brutal at totoo ang mga sagot kaya naman kahit masakit, pumatok ito sa mga mambabasa at isinapelikula pa nga noong 2013.
- It’s Like This (2017) Written by the King of Talk Boy Abunda, tampok dito ang mahigit 100 “Abundable thoughts” na tumatalakay sa iba’t ibang paksa, gaya ng kanyang mga personal na pagsubok at pagiging isang LGBT rights advocate at life lessons. Ibinahagi rin dito ng TV host ang uri ng buhay mayroon siya nang kabataan niya at hindi pa sikat, pagmamahal sa kanyang ina, at ginawang pagpupursige para makapasok sa mundo ng showbiz.
- 100 Tula ni Bela (2017) Base sa mga interviews at mga pelikulang ginawa ni Bela Padilla, maihihilera siya sa listahan ng romantic actresses. Hindi maitatanggi ang pagiging romantiko niya sa kanyang libro ng 100 tula na karamihan ay tungkol sa pag-ibig. Halimbawa nito: “YOUNG LOVE. Nahuli kita. Nakatingin. Nahuli mo ba akong ngumiti? Nahuli kita. Nagtatanong. Nahuli mo ba akong nagpapatulong? Nahuli kita. Mahal mo daw ako. Gusto mo ba, sumagot na ‘ko?”
- Stupid is Forever (2014) And of course, the last but definitely the least, ay ang trending book ng yumaong si Senator Miriam Defensor Santiago. Karamihan sa mga pulitiko ay walang sense of humor ngunit iba ang talento ni Senator Miriam. Sisiw lang sa kanya ang magbato ng mga biro at magpatawa kahit na nasa kalagitnaan pa ng usapan tungkol sa seryosong isyu ng bansa. Bagamat hinangaan ang senadora sa walang takot niyang pambabatikos sa mga katiwalian sa gobyerno, ang libro niyang ito ay koleksiyon ng kanyang mga joke, one-liner, pick-up lines, at speeches.