Nilinaw kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bibigyan nito ng sapat na panahon ang mga may-ari at operator ng trucking company upang makatupad sa modernization program ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III na saklaw lang ng ipatutupad na phase-out ang mga non-compliant unit o mga bulok na truck na hindi nakatutupad sa road worthiness policy ng ahensiya.
Dapat aniyang sumunod ang mga ito sa ilalaan nilang transition period na nagsimula noong Hunyo 30, 2017 at tatagal hanggang Hunyo 30, 2020.
“There is a transition period that gives a breathing space for the truckers to modernize. Hindi na sila maghihintay na maitayo ‘yung MVIS (Motor Vehicle Inspection System) para malaman natin kung roadworthy ang isang truck o hindi,” ani Delgra.
Maaari aniyang mag-apply ang mga trucking operator para sa “drop and substitute” ng kanilang mga non-compliant unit sa transition period habang naghihintay ng MVIS ng Land Transportation Office (LTO).
Ito, aniya, ang mga unit na bumagsak o hindi pumasa sa safety certification ng MVIS centers.
“Under the Department Order No. 2017-09 of the Department of Transportation (DOTr), non-compliant units are described as franchise-covered buses- and trucks-for-hire older than 15 years,” ayon kay Delgra.
-Alexandria Dennise San Juan