BILANG bahagi ng magkasabay na pagdiriwang ng Pista ni San Clemente at ng Angono tuwing Nobyembre 23, tampok ang Pagoda o fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Angono.
Noong nabubuhay pa ang dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, sumasama sila sa Pagoda. Sa kanilang mga likhang-sining, ang Pagoda at ang makahulugang Pista ni San Clemente ay binigyang-halaga.
Si Botong Francisco ay imortal na sa kanyang mural na Pagoda at Pista ni San Clemente. Ang relief sculpture ng mural ni Botong Francisco sa Pista ni San Clemente ay nakikita sa bakod na pader ng isang bahay sa Barangay Poblacion Itass. Ang iba pang mural ni Botong Francisco ay makikita rin sa mga bakod na pader ng mga bahay sa nasabing barangay. Ang relief sculpture naman ng mural ni Botong Francisco na nasa Bulwagang Katipunan ng City Hall ng Maynila ay nagawa sa bakod na pader ng simbahan ng Parokya ni San Clemente sa Angono.
Ang Pagoda sa Pista ni San Clemente sa Angono ay nagsisimula matapos ang concelebrated mass sa simbahan ng Parokya ni San Clemente. Ang Pagoda ay bahagi ng paggunita sa buhay ni San Clemente nang itapon siya ng mga pagano sa dagat ng Crimea. Nilagyan ng pabigat na angkla sa leeg nang itapon siya sa dagat.
Ang Pagoda ay nakapatong sa apat na malaking bangka ng pukot. May dekorasyong mga bulaklak na papel at mga dahon ng Kamuning. Sa Pagoda isinasakay ang imahen nina San Clemente ng Mahal na Birhen at ni San Isidro. Habang hinihila ng mga lalaki, ng mga kabataan at iba pang deboto ni San Clemente, sinisimulan ang Rosario Cantada.
Kasunod at kasabay ng Pagoda ang mga bangkang de motor. Ang mga nakasakay sa nasabing mga bangkang de motor ay naghahagis ng mga tinapay sa mga lalaking humihila ng Pagoda. Sa paghila ng Pagoda, ang kalalakihan at iba pang deboto ni San Clemente ay nakatatapak at nakahuhuli ng mga isda sa lawa; katulad ng dalag, tilapia, bangus, big head, karpa, malaking ayungin at iba pa. Bilang bahagi ng tradisyon, ang mga natapakan at nahuling mga isda ay tinutuhog at isinasabit sa andas nina San Clemente ng Mahal na Birhen at ni San Isidro. Kaya, sa pag-ahon ng prusisyon sa bayan patungong simbahan, nakikita ng mga nanonood ng prusisyon ang mga nahuling isda.
Matapos ang Pagoda, isasagawa ang prusisyon-parada paahon sa bayan. Pangkat-pangkat ang mga babae at lalaki. Kasama rin ang mga parehadota ng bawat barangay. Makulay ang kanilang kasuotan habang nagaganap ang parada-prusisyon. May banda ng musiko na tumutugtog sa mga parehadota. Sa dinaraanan ng prusisyon, may mga nagsasaboy ng tubig sa mga parehadota. Ang iba naman ay nagsasaboy ng tubig sa kanilang mga kakilala at kaibigan na nanonood ng prusisyon-parada.
Ang prusisyon-parada sa Pista ni San Clemente ay natatapos sa patyo at harap ng simbahan ng Angono. At bago ipasok sa loob ng simbahan ang mga imahen nina San Clemente, ng Mahal na Birhen at ni San Isidro, sa tugtog ng banda ng musiko, ang mga sumama sa prusisyon-parada ay sumasayaw bilang huling pagpupugay at pasasalamat kay San Clemente, sa Mahal ba Birhen at kay San Isidro.
Bagamat nakadama ng pagod sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Clemente ang mga taga-Angono, lalo na ang mga sumama sa Pagoda at prusisyon-parada, sila ay natutuwa sapagkat nagawa ang kanilang mga panata at debosyon kay San Clemente.
-Clemen Bautista