Inilabas na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga gabay at panuntunan para sa pagkuha ng exemption sa ipatutupad na gun ban kaugnay ng eleksiyon sa Mayo 13, 2019.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, itinakda ang election period sa Enero 13, 2019 hanggang Hunyo 12, 2019.

Sa mga nasabing panahon, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang pagbibitbit, pagdadala, at pagbibiyahe ng anumang uri ng armas, at iba pang nakamamatay na sandata.

Gayunman, alinsunod sa Comelec Resolution No. 10446, may ilang kuwalipikadong mamamayan at entities na maaaring kumuha ng gun ban exemption, sa pamamagitan nang pag-a-apply ng Certificate of Authority (CA) sa Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP) ng poll body.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Jimenez na ang application forms at requirements para sa pag-iisyu ng CA ay dapat na isumite sa CBFSP Office, sa Palacio Gobernador sa Intramuros, Manila, simula sa Disyembre 1, 2018 hanggang Mayo 29, 2019.

Ipinaalala naman ni Jimenez na kung walang CA, ang anumang permit to carry firearm/s outside residence (PTCFOR) ay kanselado at walang bisa sa election period.

Ipinaalala na rin ng Comelec na sa nasabing panahon, ipinagbabawal rin ang pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel o bodyguards, gayundin ang pagbibiyahe, paged-deliver ng mga armas, at maging mga bahagi at bala nito, at mga pampasabog at mga bahagi nito, maliban na lamang kung awtorisado ng CBFSP ng Comelec.

-Mary Ann Santiago