SA kabila ng pagsigid ng kirot na nadarama ng mga naulila sa kakila-kilabot na Maguindanao massacre, naniniwala ako na ito ay naghatid ng makabuluhan at napapanahong mensahe sa ating mga mambabatas: Pag-ukulan ng pangalawa at panibagong sulyap ang ating judicial system. Ibig sabihin, marapat lamang na ang batas hinggil dito ay busisiin upang matiyak kung ito ay angkop pa sa mabilis na hustisya na dapat lamang asahan ng sambayanan, lalo na ng sinasabing mga biktima ng mabagal na pag-usad ng katarungan.
Sa paggunita kahapon sa ika-9 na taon ng naturang karumal-dumal na masaker, natitiyak ko na ang mga naulila ng mahigit na 50 biktima – kabilang dito ang 32 kapatid natin sa media – ay sumisigaw ng hustisya. Hanggang ngayon, sa kabila ng kabi-kabilang protesta at pagkondena sa naganap na krimen, nanatiling mailap ang katarungan. Wala pang nahahatulan sa mga dapat managot sa walang-habas na pamamaslang.
Bukod sa National Press Club (NPC), ang iba’t ibang organisasyon ng mga mamamahayag sa buong kapuluan, ay walang humpay na nanawagan sa mga kinauukulan kaugnay ng paghahangad ng mabilis na paglutas sa naturang masaker. Kaakibat ito ng pagwawagayway ng ‘Justice for Ampatuan Massacre Victims’.
Ang gayong pananaw ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit sa mga pagsisikap ng kinauukulang mga husgado na lumilitis sa nabanggit na maramihang pagpatay. Marapat din namang igalang ang tinatawag na ‘due process of law’ sa lahat ng mga imbestigasyon; bahagi ito ng judicial system na kung minsan ay pinag-aalinlanganan ng ilang sektor ng sambayanan.
Hindi maiaalis, gayunman, na mangamba hindi lamang ang mga biktima ng masaker kundi ng mga mamamayang may kinakaharap na mga asunto na masyadong mainip sa pagkakamit ng katarungan. Hindi halos kabi-kabila ang mga usapin na tumatagal ng maraming taon bago mahatulan? Hindi ba may pagkakataon na matagal nang yumao ang isang akusado bago masentensiyahan?
Dahil sa sinasabing mabagal na paggulong ng katarungan, hindi malayo na ang mga biktima ng Maguindanao massacre ay nananatili o mananatiling nagbibiling-baligtad, wika nga, sa kani-kanilang mga libingan. Gayunman, naniniwala ako na ang kanilang kalunus-lunos na situwasyon – kaakibat ng pagsigid ng kirot na nadarama ng mga naulila – ay gigising sa kamalayan ng mga mambabatas upang sulyapan, wika nga, ang ating kasalukuyang judicial system.
-Celo Lagmay