MALUNGKOT ang nakita naming empirical data ng pababang trend ng kinikita ng dalawang pinakamalaking television network sa bansa na nagsimula noong first quarter ng taon.
Apektado ang income ng ABS-CBN at GMA-7 sa paglipat ng maraming advertisers sa online platforms. Mayroong migration ng advertisers sa Internet dahil sinusundan nila ang halos kalahati ng populasyon ng Pilipinas na sa social media na kumukuha ng mga balita at entertainment.
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 55 milyong Pilipino ang konektado sa Facebook, bukod pa sa malakas ding presence sa Instagram, Twitter at iba’t iba pang websites at blogs.
Ito na rin ang dahilan ng unti-unting paglipat ng Siyete at Dos sa digital world.
Tumigil na ang GMA sa movie production samantalang tuluy-tuloy pa rin ang Star Cinema. Hindi bumababa sa dalawang pelikula ang inilalabas ng Star Cinema kada buwan bukod pa sa nagbukas din sila ng Black Sheep na concentrated naman sa pagpoprodyus ng mga pelikula para sa millennials.
Malaking market ang millennials na unti-unting naging market force sa tulong ng independent films.
Ngayong linggo, naglabas din ang ABS-CBN ng original movie na libreng napanood ng netizens sa kanila iWant streaming application. Kaabang-abang kung ano ang magiging epekto nito sa mga pelikula nilang may bayad sa commercial theaters.
Pero ang challenge ay nananatili sa mainstream TV at kung anu-ano ang mga programang dapat iprodyus para muling mahikayat ang mga Pilipino na manood at tumutok sa small screen.
Ang No. 1 primetime show, ang FPJ’s Ang Probinsyano ay kumakabig ng 42% ratings, pero ang iba pang mga programa ay napakalayo sa figure na ito.
Sumasalamin sa kabuuang local entertainment landscape ang nagaganap sa dalawang giant networks. Patuloy ang production ng Regal Entertainment at Viva Films, bagamat mas mababa ang kanilang batting average kumpara sa Star Cinema.
Sa mahusay na pamumuno ni Roxy Liquigan ng Star Music, ang ABS-CBN din ang nagiging matatag na haligi ng recording industry at live concerts. Bagamat humina ang iba’t ibang recording, patuloy ang pagtuklas ng Star Music ng mga bagong dugo na siya ngayong bumubuhay sa original Pilipino music.
Malungkot ang trend sa entertainment business, pero hindi nasisiraan ng loob ang industry leaders. Gutom sa mga wastong impormasyon ang mga Pilipino na na-trauma sa paglaganap ng mapaminsalang fake news.
Sa mga panahong ganito higit na nangangailangan ng produktibong mapaglilibangan ang mga Pilipino.
Maaalala na sa ganitong panahon din nabuo ang infotainment. Hintayin natin ang lilitaw na bagong formula sa komunikasyon na muling aagaw ng atensiyon ng mga manonood.
-DINDO M. BALARES