REENACTED o lumang budget ang gagamitin sa 2019 dahil determinado ang Senado na gawin ang tungkulin nito na dinggin ang P3.757 trilyong panukalang budget sa 2019 na aprubado na ng Kamara de Representantes, ngunit para lamang ito sa isang buwan, pahayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, nitong Miyerkules.
Inaprubahan ng Kamara ang budget nitong Martes at sinabing ipapadala na ito sa Senado sa Lunes, Nobyembre 26. Sinabi ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na maaari itong ipasa ng Senado sa Disyembre upang malagdaan ni Pangulong Duterte bago magtapos ang taon, na tiyempo sa pagsisimula ng paglalabas ng pondo para sa Enero.
Hindi sapat ang panahon na ito para matalakay ng mga senador ang panukalang-budget, ayon kay Zubiri. Marami sa mga senador, partikular na sina Panfilo Lacson, Ralph Recto at Chiz Escudero, ang napabalitang determinadong siyasatin ang panukalang budget na pinaghihinalaan ng ilan na naglalaman pa rin ng malaking pondo para sa “pork barrel” na hinatulang ‘unconstitutional’ ng Korte Suprema noong 2013.
Maaaring ilaan ng Senado ang natitirang anim na araw na sesyon sa Disyembre at malamang na magdagdag pa ng ilang araw na sesyon bago nito aprubahan ang bill sa ikatlo at huling pagdinig. Maaaring magpulong ang isang bicameral conference committee sa Christmas recess na magsisimula sa Disyembre 14, ngunit aabutin pa ito ng Enero, sa pagbabalik ng sesyon, na pinal na maaaprubuhan ng Kongreso ang panukalang budget na saka pa lamang malalagdaan ni Pangulong Duterte.
Para sa unang buwan ng 2019, gagamitin ang lumang budget ng 2018 upang magpatuloy ang normal na operasyon ng pamahalaan, lalo na ang pagpapasuweldo sa mga empleyado. Ngunit wala namang malaking proyekto na posibleng ilunsad sa unang bahagi ng taon, kaya walang dapat ipangamba sa maaaring maling paggamit ng pondo sa ilalim ng re-enacted budget ng administrasyon. Pagpasok ng Pebrero 2019, inaasahan nang handa ang bagong budget para sa 2019.
Nag-ugat ang mga pangamba laban sa paggamit ng lumang budget dahil sa mga pang-aabuso sa nakalipas nang samantalahin ng ilang administrasyon ang sitwasyon upang gamitin ang hindi nagastos na pondo. Sinasabing nasa P1.3 trilyon na ang kabuuang budget na hindi nagamit, mula pa noong 2015 buget. May mga pangamba na ilan sa malaking halagang ito ang nakarating na sa pondo para sa kampanya sa eleksiyon ng ilang kandidato ng administrasyon. Huwag naman sana.
Higit nating inaalala ang pangangailangan ng ating mga senador na siyasatin pa ang panukalang 2019 national budget bilang konstitusyunal na pagtitiyak sa mga kongresistang maaaring nagsingit ng ilang pondo para sa ilang tiyak na paboritong proyekto—na sa katunayan ay “pork barrel funds”—na nakatago sa ilang lump sum items. Ang dagdag na panahon na hiningi nina Senador Zubiri at Senate President Vicente Sotto III ay dapat na magamit upang mapag-aralan ng panukalang pambansang budget para sa 2019 para maging - hanggat maaari –ay maging tunay na makatutugon sa pangangailangan ng bansa.