WINALIS ng Arellano University ang event host Jose Rizal University, 25-21, 25-18, 25-21, para sa una nilang panalo sa men’s division kahapon sa pagbubukas ng NCAA Season 94 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Pinangunahan ang tropa ni coach Sherwin Meneses ng beteranong hitter na si Christian de la Paz na nagposte ng 14 puntos, 11 dito ay pawang attack points bukod pa sa 14 ding excellent digs.
Tumapos namang topscorer para sa Heavy Bombers si June Laxina na may walong puntos, lahat itinala niya sa third set.
Naging malaking bentahe para sa Chiefs ang kanilang net defense kung saan dinomina nila ang Heavy Bombers 10-2 sa pamumuno ni Jethro Cabillan na nagposte ng anim.
Bagama’t nakapagtala ng straight sets win, di gaanong umagwat ang Chiefs sa laban dahil sa naitalang 25 unforced errors kumpara sa 22 ng Heavy Bombers.
Nauna rito, pinangunahan ni JRU Management Committee representative Paul Supan ang simpleng opening rites na dinaluhan at pinasinayaan ng mga kapwa niya ManCom members at JRU president Vincent Fabella at mga national womens team players Abby Maraño at Mika Reyes.