NAGING isang pambansang krusada na ang dati ay mabuway na pagtutol sa pagpataw ng buwis at taripa sa mga inaangkat na mga aklat. Sa Senado, nagbigay ng pag-asa si Sen. Sonny Angara sa mga tutol sa isinusulong na panukalang patawan ng buwis ang mga inaangkat na aklat, sa ilalim ng House Bill 8083 o TRAIN 2.
Kilala si Senador Sonny Angara sa mga adbokasiya at inisyatiba niyang pang-edukasyon. Tahasan niyang sinabi na hindi gagalawin ng komite na kanyang pinamumunuan ang kasalukuyang batas na nagkakaloob ng mga insentibo at “tax exemptions” sa industriya ng paglilimbag ng mga aklat. Ang kanyang ama, ang yumaong dating Senador Edgardo Angara, ang may-akda ng Republic Act 8047, ang Book Publishing Industry Development Act of 1994.
Sa kabila ng pagtutol sa panukalang buwisan ang mga inaangkat na aklat dahil malaking dagok ito sa literasya ng bansa, tila walang pakialam dito ang maraming pulitiko at karamihan sa mga kongresista, dahil patuloy nila itong itinutulak.
Kung maisasabatas ang panukala, tiyak na lulumpuhin nito, hindi lamang ang industriya ng aklat at paglimbag nito, kundi pati ang antas ng literasya ng mga Pilipino. Sisirit pataas ang presyo ng mga aklat at malamang ay tamarin na ring magbasa at umani ng bagong karunungan ang marami, kaya maaapektuhan pati pag-unlad ng bansa.
Gaya ng kanyang ama, tama si Sen. Sonny Angara sa pananaw niyang malaki ang papel na ginagampanan ng mga aklat na nagsisilbing “pinakamatipid at pinakamabisang instrumento sa pagpapaunlad ng karunungan” na susi sa pag-unlad ng bansa.
Napasigla ng RA 8047 ang industriya ng aklat at paglilimbag nito na positibong nagsulong sa mga manunulat, tagalimbag, patnugot, tagasalin sa ibang wika, mga negosyo at iba pa na suportado naman ng mga haligi ng industriya.
Isa na naturang mga haligi si Atty. Dominador Buhain, founding chairman ng National Book Development Board, na lumalaban sa mga pagtatangkang lumpuhin ang industriya sa pamamagitan ng walang kamuwangang pagpatong ng mga buwis dito.
Sa isang survey noong 2012, lumutang na bumaba sa 80% mula 90% ang bilang ng mga Pilipinong may sapat na gulang na nagbabasa ng mga aklat. Tunay itong nakalulungkot at dapat itong tugunan at aksiyunan ng ating gobyerno.
Para sa isang bansang hirap makaahon sa pagkakabalaho sa pagiging isang “Third World country,” ang pagpapalawak ng kamalayan at pagpapatibay sa sistema ng edukasyon kung saan malaki ang papel ng mga aklat, ay kahangalan ang paglumpo sa literasya. Hindi dapat patawan ng buwis ang mga aklat.
-Johnny Dayang