NAISALPAK ni Arvin Tolentino ang three-pointer sa krusyal na sandali para sandigan ang Far Eastern University sa gahiblang 71-70 panalo kontra De La Salle para makopo ang huling Final Four berth ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament nitong Miyerkules sa Araneta Coliseum.

TOLENTINO: Bayani ng FEU Tamaraws. (RIO DELUVIO)

TOLENTINO: Bayani ng FEU Tamaraws. (RIO DELUVIO)

Tangan ng Green Archers ng apat na puntos na bentahe sa huling isang minuto bago natapyas ni Ken Tuffin ang bentahe sa 68-70 may 39 segundo ang nalalabi sa laro.

Matibay na depensa ang ibinakod ng Tamaraws, sapat para makuha ang opensa ang pagkakataon na maipanalo ang laro. Kinasiyahan ng suwerte ang Tamaraws nang makita ni Jasper Parker na libre si Tolentino sa gitna, halos isang metro ang layo sa 3-point arc, at agad na naipasa ang bola para sa winning baskets may 3.1 segundo sa laro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakamit ng Tamaraws ang karapatan na sagupain ang topseed at defending champion Ateneo na may bentaheng twice-to-beat sa Final Four round na magsisimula sa Linggo.

Tumapos na topscorer para sa Tamaraws si Tolentino na may 15 puntos habang tatlo pang teammate nya ang nagtala ng double figure na kinabibilangan nina Barkley Eboña na may 12 puntos, Ken Tuffin na may 11 puntos at Richard Escoto na may 10 puntos.

Bukod sa 12 puntos, kumaldag din si Eboña ng 16 rebounds upang punan ang kawalan ng kontribusyon sa boards ng sentrong si Prince Orizu na maagang nalagay sa foul trouble kaya hindi naramdaman sa depensa.

Nawalan naman ng saysay ang game high 20 puntos ni Santy Santillan dahil hindi nito naihatid ang Green Archers sa Final Four round sa unang pagkakataon mula noong 2015.

-Marivic Awitan