NANATILING buhay ang tsansa ng Creamline Cool Smashers para sa top seed papasok ng Premier Volleyball League Open Conference semifinals matapos pataubin ang Petro Gazz Angels, 25-11, 25-13, 25-23, sa Batangas City Coliseum.

Naging dominante ang simula ng Creamline na natalo sa Petro Gazz sa opening day matapos magposte ng double digit na bentahe sa unang dalawang sets.

Nakipagsabayan pa ang Angels sa third set at nagposte pa ng 16-14 na kalamangan sa pamumuno ni middle blocker Cherry Nunag bago rumatsada si opposite hitter Michele Gumabao upang maagaw ang kalamangan para sa Creamline, 22-20.

Tumabla pa ang Angels sa 22-all matapos ang back-to-back attack errors ng Cool Smashers.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ngunit ang Petro Gazz din ang gumawa ng dahilan ng kanilang pagkabigo matapos magtala ng tatlong sunod na errors.

Ayon kay Creamline captain Alyssa Valdez, kinakailangan ng kanilang koponan na maging consistent kahit sigurado na silang pasok sa semis.

“For us, siguro we just want to keep improving pa every game and working hard for each win. We know naman na each game, we need to keep bringing our best,” ani Valdez na tumapos na may 11 puntos. “That’s still going to be the goal heading into our last game para maprepare kami sa semis na din.”

Nagtapos din ang kakamping middle blocker na si Risa Sato na may 11 markers habang nagtala si Gumabao ng 10 puntos.

Naging topscorer naman si Nunag para sa Angels sa itinala nyang 10 puntos.

Nagtapos ang Petro Gazz sa elimination round na may 9-5 na rekord.

Susunod na makakatunggali ng Creamline (10-3) para sa pagtatapos ng second round sa Sabado ang Adamson-Akari Lady Falcons (0-13).

-Marivic Awitan