MALAKI ang ginampanang tungkulin ng mga Tausug sa paglikha ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sinabi ni Deputy Presidential Adviser on the Peace Process Nabil Tan kamakailan, sa pagdaraos ng serye ng mga palihan sa Jolo, Sulu, bilang bahagi ng paghahanda sa plebisito sa Enero, 21, 2019, para sa pagraratipika ng batas na lumilikha ng rehiyon.
Ang Bangsamoro Organic Law, aniya, ay base sa lahat ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro front—ang Moro National Liberation Front (MNLF) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF)—at naglalarawan sa hangarin ng mga Moro para sa isang tiyak na pulitikal na kalayaan.
Isang kasiguraduhan ang marinig ang mga salitang ito mula kay Tan at sa ibang mga lider ng Tausug na miyembro ng Bangsamoro Transition Commission, bilang pagtingin sa mga pangamba na ang BARMM, na matagal nang ipinaglalaban sa MILF sa puwersa ng pamahalaan, ay hindi makatanggap ng katumbas na suporta mula sa MNLF ni Nur Muisuari, isang pinuno ng Tausug sa Kanlurang Mindanao.
Noong mga panahong nakikipagpulong si Pangulong Duterte sa mga pinuno ng MILF hinggil sa mungkahing rehiyon ng Bangsamoro na niyakap ng MILF, sinabi ng Pangulo na umaasa siyang makumbinsi si Misuari na makilahok sa usapan— “so that if there are corrections or maybe additions or provisions that would not sit well with the Tausugs and the rest of the southern part of Mindanao, maybe we realize altogether the friction of the MILF, MNLF, at ng natitirang bahagi ng Mindanao.”
Maraming taong nagsilbi si Misuari bilang gobernador ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), na itinatag noong panahon ng administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino, na itinadhana ng Konstitusyon ng 1987. Ang ARMM ay papalitan ngayon ng BARMM sa ratipikasyon nito sa Enero.
Nakatakdang bumoto sa plebisito ang mga mamamayan ng limang probinsiya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, at Tawi-tawi, at ang mga lungsod ng Marawi, Lamitan, Cotabato, at Isabela, kasama ng anim ng bayan ng Lanao del Norte at 39 na barangay ng North Cotabato, Basilan at Sulu.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, mayroong nasa 3.45 milyong Muslim at nasa 320,000 Kristiyano sa ARMM, na bubuo sa populasyon ng bagong Bangsamoro Autonomous Region. Nitong Setyembre, nagtipun-tipon ang mga Moro at Kristiyanong lider ng relihiyon, kasama ng mga pinuno ng rebolusyunaryo grupo ng mga Moro, sa lungsod ng Davao para sa isang pangkapayapaang talakayan kasama ng paglagda sa isang manifesto upang magkaroon ng “inclusive peace and progress in the future Bangsamoro government an imperative undertaking so that no sector and community will be eft out of the process.”
Sa lahat ng mga pahayag na ito ng suporta mula sa iba’t ibang grupo na bumubuo ng rehiyon ng Bangsamoro, hangad natin ang isang bagong panahon ng kapayapaan at pag-unlad sa bahaging ito ng bansa, na inaasahan nating malayo ang mararating sa pagtatama ng mga inhustisya ng kasaysayan na dinanas ng mga Moro sa mga nagdaang siglo.