“NAPAGPASIYAHAN na ng PNP na itigil na ang pagpapahiram ng logistics sa (“Ang Probinsyano”), tulad ng mga armas at sasakyan, shooting location sa police headquarters at kahit security contingent para sa production outfit. Ang pangunahin naming layunin ay pangalagaan ang integridad ng PNP na inaalipusta sa pagpapalabas na ang mayorya sa PNP ay corrupt,” sabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Durana nang kapanayamin siya ng mga mamamahayag nitong nakaraang Lunes. Kaya, aniya, binabawi na namin ang aming suporta sa “Ang Probinsyano”. Bakit daw sila makikisama pa sa partidong sinisira sila o ang kapakanan ng publiko? Ayon kay Durana, kahit imbento lang ang palabas, hindi maiaalis na ito ay nakabubuo ng opinyon na magiging realidad.
“Totoo,” wika ni Durana, “na may mga scalawag sa aming hanay, pero kakaunti lamang sila. Kaya, nasisira kami at ang aming mga pamilya at mga kaibigan.” Pero, aniy, humingi ng paumanhin ang bida sa naturang serye na si Coco Martin sa insultong nagawa sa Philippine National Police (PNP) at humiling ng pulong kay PNP Chief Oscar Albayalde sa Lunes, para magkaayos sa ikabubuti ng magkabilang panig. Si Martin ang siyang gumaganap bilang ang naaping pulis, si Cardo Dalisay, na ang krusada ay labanan ang masamang pamamahala at ituwid ang pagkakamali ng mga taong gobyerno.
Nauna rito, nagbanta ang Department of Interior and local Government (DILG) na idedemanda ang production outfit ng “Ang Probinsyano” sa hindi maayos na paggamit ng PNP insignia at uniporme. “Ayaw naming diktahan ang producer ng palabas hinggil sa balangkas at linya ng kwento nito o kaya ipatigil ito. Ang hindi namin gusto dito ay ang paggamit ng uniporme at insignia ng PNP na nagpapakita ng maling imahe ng buong organisasyon ng pulisya. Kung gusto nilang magpatuloy ang balangkas ng programa, malaya silang gumamit ng hindi totoong law enforcement agency para akma ito sa sinasabi nilang imbento lang ito,” paliwanag ni Interior Secretary Eduardo Ano.
Hindi ko pinanonood “Ang Probinsyano” bilang imbentong kuwento o drama lamang. Ito ay napapanahong pagtuligsa sa buong sistemang umiiral sa ating bansa. Tinitingnan ko ito bilang salamin ng mga pang-araw-araw na nagaganap sa ating lipunan. Laban sa akala ng mga taga-PNP na sinisiraan ng teleseryeng programa ang kanilang organisasyon, para sa akin, incidental lang na inihahayag ang mga abusong ginagawa ng mga miyembro nito. Bahagi lang ito ng buong tema ng palabas upang epektibong maisalarawan sa mga nanonood ang nais ipaintindi ng mga ito ang uri ng sistemang kanyang pinupuna. Ginagawa kasi ng mga umuugit ng sistema na instrumento ang PNP at ilang kasapi nito sa paglabag sa karapatan ng mamamayan, sa pang-aapi sa kanila at sa pagsuway sa mga prinsipyong sinasandigan natin bilang demokratikong bansa tulad ng rule of law.
Sa war on drugs ng gobyerno, ang pangunahing nagpapairal nito ay ang PNP. Napakarami nang napatay nito kahit sabihin pang ang iba sa mga ito ay nanlaban, na naglagay sa panganganib ng buhay ng mga miyembo nito. Pero, hindi ganito ang nangyari sa alkalde ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa na ikinulong muna bago pinaslang sa loob ng piitan.
Patuloy ang pagpatay ng mga pulis sa umano’y mga sangkot sa droga, pero ang droga na sanhi ng kanilang kamatayan ay mga naipuslit sa pantalan. Ang mga pangunahing dapat managot sa pagkalat ng droga ay sinisibak at inililipat lamang sa mga asensadong puwesto.
Nakahanda nang dakpin ng mga pulis at sundalo si Sen. Trillanes nang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang amnestiya, kahit wala pang warrant of arrest. Pero, kahit may warrant of arrest laban kay Cong. Imelda Marcos, si PNP Chief Albayalde mismo ang nagsabi na maghinay sa kanilang trabaho dahil matanda ang ipinaaaresto. Kung ang PNP ay ginagamit, ganoon din ang ibang institusyon ng gobyerno laban sa mga taong hindi kaalyado ng mga nagpapatakbo nito.
Ang alam ko lang na kathang-isp sa “Ang Probinsyano” ay ang pagwawagi ni Cardo Dalisay at kasama niya sa Vendetta laban sa kasamaan.
-Ric Valmonte