Si Sultan Kudarat ang palagi kong binabanggit tuwing may palipad hangin ang ilang kapatid nating Filipino (Muslim) na batay sa kasaysayan, ay hindi sila kailanman nagapi ng mga dayuhang mananakop sa ating bansa -- Kastila at Amerikano.
Matatandaan na ang Islam ang unang dumaong sa Maynila noong taong 1175 AD. Batay ito sa mga kalansay na nahukay sa Sta. Ana na nakaharap sa Mecca ayon sa Ayala Museum. Sa gitna ng 13th Century, dumating ang Islam sa Sulu. Ang Sulu Sultanate ay naitatag noong 1450. Sa taong 1637, naging problema ng mananakop na Espanña ang tinaguriang Muslim Mindanao. Hindi matanganan ang pangangalakal doon, ngunit nakapagtayo ang mga dayuhan ng mga tirahan doon, kaya napalawak nila ang relihiyong Kristiyanismo.
Sabi pa sa kasaysayan, madalas na may maganap na pananambang sa mga baybayin ng Visayas at Luzon noon upang makapambihag ng mga kababaihan at bata na dadalhin sa Sulo para gawing alipin o kalakal. Ilang beses na nagpadala ang España ng hukbo at tagasupil upang pigilan ang mga naturang kaganapan.
Noong 1637, malaking pagwawagi ang nasungkit ng mga Kastila sa pangunguna ni Kapitan-Heneral Hurtado de Corcuera laban kay Sultan Muhammad Dipatuan Kudarat sa Lamitan. Magugunita na isa siya sa pinakamalakas at pinakamaimpluwensyang Sultan ng Mindanao. Ang kanyang kaharian ay umaabot sa ilang bahagi ng Lanao, Davao, at Cotabato. Sa pagbagsak ng Lamitan, hindi siya nadakip ng mga Kastila.
Taong1638 nang matalo siya sa Jolo, at nang sumunod na taon, 1639, ay nagapi naman ang Lanao. Nakumbinsi ang mga datu na Maranao, kasama si Sultan Kudarat, na kausapin ang kanilang hanay upang magtaguyod ng pangmatagalang kapayapaan.
Bilang dagdag paglilinaw, dapat isipin ng karamihan na hindi dapat ikonekta ang relihiyong Islam sa usapin na hindi sila nadaig ng mga dayuhan. Hindi naman talaga maitatangging hindi nasupil ng mga pinunong Kristiyano ang mga Muslim sa Pilipinas, subalit may mga Muslim leader din naman na nalupig. May mga datu at rajah pa nga na nagpabendisyon at yumakap sa Kristiyanismo. At ayon sa kasaysayan, hindi pinagbayad ng Pamahalaang Kastila ng buwis ang mga dugong bughaw na lumipat ng pananampalataya mula Islam patungong Kristiyanismo.
-Erik Espina