MAS maraming drug surrenderers ang inaasahang matutulungan sa pagbabagong buhay sa pagbubukas ng bagong tayong Bataan Drug Treatment and Rehabilitation Center sa paanan ng makasaysayang Mt. Samat sa Pilar, Bataan, nitong Lunes.

Sa pagbabahagi ni Dr. Elizabeth Serrano, pinuno ng ospital, itinayo ang center sa pamamagitan ng pondo mula sa Department of Health (DoH) at ang Dangerous Drugs Board (DDB), na nagkakahalaga ng mahigit P50 milyon.

Ayon kay Serrano, sinimulan ang operasyon ng center sa isang lumang gusali sa Barangay Liyang, na itinayo pa noong 1970 bilang training center ng mga kabataan sa lugar.

Noong Oktubre 2008, nagsimula sila gamit ang 50-bed capacity. Ngunit sa pagtatapos ng konstruksiyon ng center, aniya, mayroon na sila ngayong 220- bed capacity.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inilagak ang bagong pasilidad sa 1.7 ektaryang lote, na magkakaloob ng regular na in-house program, outpatient treatment, after care treatment, at medical at dental service. Magkakaroon din ang pasilidad ng isang art room, prayer room at chapel para sa spiritual rehabilitation.

Bukod dito, magkakaroon din ng isang kuwarto ang pasilidad, na paglalagakan ng mga obra at iba pang uri ng sinig ng mga “residents” o rehabilitees.

Dagdag pa ni Serrano, sa kasalukuyan ay mayroon silang mahigit 90 “residents” at 300 outpatients. Nasa 60 porsiyento sa mga ito ang mga residente ng Bataan habang ang natitira ay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Karamihan ng admissions are from the plea bargaining agreement. Galing sa jail na nag-plead ng guilty (Most of the admission were from the plea bargaining agreement. They came from jail and pleaded guilty),” ani Serrano.

Dumadaan ang mga pasyente sa walo hanggang 12 buwang rehabilitasyon habang apat na buwan naman para sa mga outpatient.

Pagmamalaki ni Serrano, libu-libo nang pasyente ang nakapagtapos sa pasilidad sa loob ng 10 taon nilang operasyon.

PNA