MABUHAY ang Pilipinas. Mabuhay ang China. Mabuhay si Pres. Duterte. Mabuhay si Pres. Xi. Sana ay maging mabunga at maayos ang pagbisita sa Pilipinas ng paramount leader ng China, na ngayon ay kasunod ng United States (US) sa pagiging most powerful country sa buong mundo.
Matupad sana ang pag-asam ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) tungo sa “powerful alliance” ng ating bansa sa China laban sa mga banta sa seguridad, kabilang ang terorismo at salot ng illegal drugs. Hindi ba ang mga puslit na tone-toneladong shabu ay galing sa mainland China? Pakiusapan sana ni PRRD si Xi na harangin ang mga ito sa kanilang airport, pantalan at daungan.
Kung si presidential spokesman Atty. Salvador Panelo ang paniniwalaan, ang pagbisita ng pangalawang pinakamakapangyarihan lider ng mundo ngayon ay maituturing na isang “turning point” sa kasaysayan ng dalawang bansa.
Pahayag ni Panelo: “Pinupuri natin si Pres. Xi dahil sa pagsisikap na maisulong ang kapayapaan at katatagan sa ating rehiyon, sa pamamagitan ng dialogues, konsultasyon, sa paghawak sa South China Sea issue (West Philippine Sea).” Ayon sa kanya, kasama ng China ang PH sa lalong pagpapatibay ng relasyon tungo sa mataas na antas ng pagtutulungan o collaboration.
oOo
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakayapak sa Camp Aguinaldo, punong-himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), si Moro Islamic Liberation Front Chairman Al Haj Murad Ibrahim. Aminado ang supreme leader ng MILF na noon, ang tanging hangarin niya ay wasakin at salakayin ang military camps, pero iba ang nangyari. Siya ngayon ay nasa Camp Aguinaldo at masayang sinalubong ni AFP chief of staff Carlito Galvez. Binigyan pa siya ni Galvez ng puting rosas (white rose), tanda ng kapayapaan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ibrahim na sina Galvez at ang MILF ay nagkasundo para sa matatag na partnership na magsusulong sa bansa tungo sa landas ng kapayapaan, pagkakaisa, kaunlaran, at development. Siya ngayon ay masaya sapagkat hindi na siya kaaway kundi kaibigan na ng militar.
Kailan naman kaya magkakaroon ng katuparan ang pagkakasundo ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) upang ganap nang magkaroon ng katiwasayan, kapanatagan, at kapayapaan ang minamahal nating Pilipinas?
-Bert de Guzman