IPINAMALAS ni Grace Irebu kung bakit karapat-dapat siya na tanghaling Season MVP nang pangunahan ang University of Santo Tomas para ma- eliminate ang De La Salle University, 79-68, sa playoff match sa UAAP Season 81 Women’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Nagtabla sa markang 8-6 makaraan ang elimination round, pinag-agawan ng Tigresses at Lady Archers ang huling slot sa stepladder semis.
“It was a well-fought game. Knockout e. Thanks to La Salle for making us a better team this season,” pahayag ni UST head coach Haydee Ong. “The competition was very tight. I’m happy with the resiliency of the girls. They did not give up after we were down 11-0. They just kept on fighting.”
Mula sa bench, sinimulang ibangon ni Irebu ang Tigresses buhat sa 0-11, pagkakaiwan sa simula ng laban.
“Sabi ko nga, sometimes kelangan natin ng magic bunot e. So medyo maiba yung takbo nung game. I hope we can win another game on Sunday,” dagdag ni Ong.
Hindi naman agad agad na sumuko ang Lafy Archers na nakipagsabayan pa hanggang sa third canto sa pamumuno ng graduating backcourt duo nina Khate Castillo at Camille Claro
Ngunit, hindi sila tumagal sa dominanteng frontline ng UST na sina Irebu at Sai Larosa sa final canto kung saan giniyahan nila ang Tigresses sa pagposte ng kalamangang hanggang 13 puntos.
“When I announced it nung Monday [na she was the MVP], she cried. She’s very happy. Also Tantoy [Ferrer] and Sai [Larosa],” kuwento ni Ong. “So I guess the girls were extra motivated because of it and sana matuloy into the next game.”
Tumapos si Irebu na may 29 puntos, 14 rebounds, at 4 blocks habang nagdagdag si Larosa ng 18 puntos kasunod si Tin Capilit na may 16 puntos.
Nanguna naman si Castillo at Claro para sa La Salle na may 20 puntos at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos namang panglima ang Lady Archers mas mataas ng dalawang antas sa tinapos nila noong isang taon.
-Marivic Awitan