DEKADA ‘70 nang pasukin ni Chanda Romero ang showbiz. Tagalog Ilang Ilang Productions ang nagbigay sa kanya ng break via Ang Konduktora, na pinagbidahan ni Vilma Santos.
Nang mauso ang bold movies ay join din si Chanda. Taong 1974 ay nagbida siya sa controversial flick na Mga Uhaw na Bulaklak, hanggang sa matigil ang sexy films, na noon ay binansagang “pene”, as in may actual penetration sa sex scenes.
Naging paboritong artista si Chanda ni Direk Danny Zialcita (SLN), na ang mga pelikula ay nakasentro sa illicit relationships na punumpuno ng markadong linya, o mas lalong kilala ngayon sa tinatawag na hugot lines.
Naidirek si Chanda ng halos lahat ng mahuhusay na direktor, tulad nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Marilou Diaz Abaya, Eddie Romero, at Maryo J. delos Reyes, na pawang yumao na.
Sa ngayon ay aktibong-aktibo pa rin si Chanda sa paggawa ng mga teleserye, at kabilang nga siya sa cast ng big-budgeted action-drama series ng GMA-7 na Cain at Abel, kung saan gaganap siya bilang ina ng mga bidang sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Abala rin si Chanda sa charity work, katuwang ang kaibigan niya at dating aktres na si Dang Cecilio. Itinatag nina Chanda at Dang ang ErM (Ermita Manila), in collaboration with Missionaries for the Poor, na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga streetchildren and the elderly na walang matirahan.
-REMY UMEREZ