Iginiit kahapon ng dalawang senador ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado kaugnay ng pagkakapuslit sa bansa ng 5,100 toneladang basura na nanggaling sa South Korea.

Nagharap ng kani-kanilang resolusyon sina Senators Aquilino “Koko” Pimentel III at Nancy Binay upang kalkalin ang nasa likod ng pagkakapasok sa bansa ng naturang basura.

Tinukoy ng dalawa na dapat wakasan na ang problemang ito dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa natatapos ng pamahalaan ang usapin sa pagkakatapon sa bansa ng tone-toneladang basura mula sa Canada.

“The Philippines appears to be well in the path of the so-called ‘global waste trade’ and Congress has to act swiftly to prevent the country from being a dumping site of the more advanced economies,” sinabi ni Pimentel sa explanatory note ng Senate Resolution No. 939.

Nakonsensyang holdaper, kusang sumuko sa pulisya; ginamit na kutsilyo at baril, laruan lang!

“Protecting and advancing the right of the people to a balanced and healthful ecology is a Constitutional duty and an intergenerational responsibility,” ani Pimentel.

Sa paunang imbestigasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nabanggit na basura ay naglalaman ng gamit nang dextrose tubes, used diapers, mga gamit na baterya, bombilya at electronic equipments.

Natuklasan din na dumating ang nasabing basura sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan, Misamis Oriental, sakay ng MV Affluent Ocean, noong Hulyo 2018.

Idineklara umano ito bilang mga “plastic synthetic flakes”.

Matatandaang humiling ng alert order ang Bureau of Customs sa Region 10 nang madiskubre nila na naglalaman ng mga plastic wastes at iba pang basura ang nasabing kargamento, nitong Oktubre 25.

Naka-address umano ito sa South Korean company na Verde Soko II Industrial Corp., na nagpapatakbo naman ng waste recycling facility sa Tagoloan sa Misamis Oriental.

-Hannah L. Torregoza