Nagbabala ang toxic watchdog na EcoWaste Coalition sa masamang epekto ng mga mapanganib na kemikal sa kalusugan ng publiko matapos madiskubre ng grupo na 32 sa 100 sample toys na kanilang nakuha sa mga lokal na pamilihan ay nagtataglay ng lead at ng iba pang mapanganib na kemikal.

Nagpahayag ng pagkabala si Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner of EcoWaste Coalition, lalo na dahil wala umanong paalala o graphic warnings ang mga laruan, tulad ng fidget spinner, na may 198,900 parts per million (ppm) ng lead.

Hinikayat niya ang mga kaugnay na ahensiya na aksiyunan ito sa pag-aalis ng mga toxic toys sa mga pamilihan lalo ngayong Holiday Season.

Bukod sa mga nakalalasong kemikal na nasa mga laruan, nagpaalala rin si Dizon sa panganib na maaaring idulot ng ilang laruan, lalo na ang mga may maliliit na parte na maaari umanong makain ng mga bata. Gayundin ang mga laruan na may matutulis na bahagi na maaaring makasakit.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata, nagdaos kamakailan ng isang event ang grupo na may temang “Every Child Deserves a Safe Toy: Make it Happen”, kasabay ng Universal Children’s Day kahapon.

Paaalala ng EcoWaste, basahing mabuti ang label ng bibilhing laruan at huwag bibili ng hindi rehistrado, pumili ng laruang naaayon sa edad at ugali ng bata, at huwag bibili ng maaaring makasakit sa paslit.

Mahalaga ring isaisip na karaniwan nang may delikadong kemikal, gaya ng cadmium at lead ang mga laruang plastic na malakas ang amoy, at kung maaari ay huwag magpagamit ng face paint sa bata.

-Chito A. Chavez