Paiigtingin ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang kampanya nito laban sa lahat ng uri ng illegal recruitment at human trafficking sa bansa at sa ibayong dagat, upang patuloy na maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawang Filipino mula sa mga mapang-abusong recruiter at sindikato.
Sa inilabas na administrative order, binuo ni DoLE Secretary Silvestre Bello III ang bagong task force laban sa illegal recruitment, recruitment ng menor de edad na manggagawa, at trafficking in persons, upang maiwasang mabiktima ang mga ito ng mga grupong may ilegal na gawain.
Batay sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mayroong 156 na biktima ng illegal recruitment simula nitong Hunyo 18 hanggang Oktubre ngayong taon, bilang na lubhang marami para sa maikling panahon lang.
Kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng task force ang bumuo ng mga estratehiya at panuntunan laban sa modus operandi ng mga illegal recruiter, at kaagad silang mahuli sa tulong ng DoLE.
May kapangyarihan din ang task force na magsagawa ng surveillance at entrapment operations, at mag-atas ng agarang imbestigasyon, at kalutasan sa mga kasong may kaugnayan sa illegal recruitment.
Makikipag-ugnayan ang task force sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), na magsisilbing operational at law enforcement arm nito.
Pangungunahan ni DoLE Undersecretary Jacinto Paras ang grupo, katuwang ang administrator ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at ang director ng Bureau of Local Employment.
-Mina Navarro