KAPANA-PANABIK at makabuluhan ang unang bugso ng ‘Usapang Sports’ na nasa pangangasiwa ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayong Huwebes (Nobyembre 22) sa makasaysayang National Press Cup (NPC) sa Magallanes Drive Intramuros, Manila.

Mitra at Ramirez

Darating sa Sports Talk sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘‘Butch’’ Ramirez at Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham Kahlil ‘‘Baham’’ Mitra upang bigyang linaw ang mga maiinit na usapin sa palakasan at ihayag ang mga programa ng kani-kanilang mga ahensya.

Kapwa nasa ilalim ng Office of the President ang PSC at GAB.

Inaasahang susuriin ng dating Gobernador at Congressman ng Palawan ang resulta ng katatapos na 3rd World Boxing Council (WBC) Women’s Convention and Asian Summit na ginanap sa Philippine International Convention Center.

Brandon Clarke ng Memphis, pumanaw sa edad na 29!

Ihahayag din ni Mitra ang mga hakbang na ginagawa ng GAB upang protektahan ang mga atleta at personalidad na nasa propesyonal na antas.

Sasagutin naman ni Ramirez ang mga tanong tungkol sa mga hakbang na ginagawa ng PSC para sa paghahanda sa hosting ng 2019 SEA Games, ang Tokyo Olympics at iba pang isyu sa larangan ng amateur sports.

Ihahayag din ni Ramirez ang resulta ng mga hakbang na ginagawa ng ahensya upang pag-isahin ang mga nagbabangayang grupo sa iba’t-ibang asosasyon, mga programa sa grassroots, ang pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Magsisimula ang Sports Talk ganap na 10:00 ng umaga.

Pinamumunan ng beteranong sports editor na si Ed Andaya ng People’s Tonight ang TOPS. Ang iba pang mga opisyal ay sina Matias Dennis Eroa ng PDI-Bandera, (VP Internal), Maribeth ‘Beth’ Repizo ng Pilipino Star Ngayon (VP External), Nympha Manio-Ang ng Bulgar (treasurer), Engel Manato ng Abante (auditor) at Edwin Rollon ng Balita (secretary).

Board member sina Frederick Nasiad ng Bandera, Mae Balbuena ng PM, Enrico Navarro ng Remate, Jeff Venancio ng Police Files, Danny Simon ng HOY, Clyde Mariano ng Pilipino Mirror at Jesse Ong ng Market Monitor.

Kaisa ng TOPS ang National Press Club at Philippine Sportswriters Association sa pagsusulong maitaas ang antas at responsableng pamamahayag.