DUMATING ang makapangyarihang kaibigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bansa, si Chinese Pres. Xi Jinping, upang lalong paigtingin ang “political mutual trusts” kaugnay ng bilateral at international issues, mapalakas pang lalo ang kooperasyon sa negosyo, turismo at ang relasyong mamamayan-sa-mamamayan.
Ayon kay Xi, itinuturing na pinakamakapangyarihang lider pagkatapos ng yumaong si Deng Xiaoping, dadalaw siya sa Pilipinas sa bisa ng imbitasyon ng ating Pangulo upang talakayin ang mga isyu para maiangat ang kooperasyon sa ilalim ng mga bagong pangyayari upang maisulong ang progreso sa relasyon ng China at ng PH.
Pahayag ni Xi: “I am about to set foot on this beautiful land, an ever-growing nation and home to an honest and friendly people.” Aniya, siya ay magtutungo sa Pilipinas upang buksan ang bagong hinaharap (future) kasama ang China. Tiyak magugustuhan ito ni Mano Digong. Kailan naman kaya ang pagdalaw ni Russian Pres. Vladimir Putin, isa pa niyang kaibigan at idolo?
Binanggit pa ni Xi na ang China at PH ay ay magkaharap lang at magkapit-bahay sa dagat. Ang palitan ng mga barko at negosyante ng dalawang bansa ay nagsimula mahigit 1,000 taon ang nakalilipas. Sa nakaraang 600 taon, ayon kay Xi, ang Chinese navigator na si Zhen He, ay nagsagawa ng pitong overseas voyages o pagdalaw sa Manila Bay, Visayas at Sulu. Nagsagawa rin ng goodwill visit ang Hari ng Sulu noon sa China.
Umaasa ang mga Pilipino na magiging maganda at kanais-nais ang pagbisita ni Xi sa ating bansa. Umaasa rin ang mga Pinoy na maninindigan si PRRD na atin ang mga teritoryo na inaangkin ng China, hindi nila itataboy ang ating mga mangingisda, at hindi ibu-bully ang Pilipinas dahil walang kakayahan ang ating militar at police na bumangga sa kanila.
oOo
May mga nagtatanong kung talagang dalawa ang mukha ng hustisya sa minamahal nating bansa. Sabi nila, ang isang mukha o uri ay hustisyang-pangmayaman at ang ikalawa ay hustisyang-pangmahirap. Ang mayayaman daw ay pinapaboran ng mga korte, pinagpipiyansa kahit sa mga kasong plunder samantalang ang mahihirap ay tinatanggihang magpiyansa kahit ang kaso nila ay hindi kasimbigat ng mga plunderer, murderer at magnanakaw sa kaban ng bayan.
-Bert de Guzman