NANINIWALA sa purgatoryo ang beteranang aktres na si Gina Pareño, na bida ngayon sa pelikulang Hintayan sa Langit.

Gina at Eddie copy

“There such thing as purgatoryo bago ka umakyat sa langit, depende sa ginawa mo dito sa mundo,” sabi ni Gina, na makakatambal sa pelikula si Eddie Garcia. “Naniniwala ako na mayroong langit, mayroong purgatoryo, at mayroong impiyerno,” sabi naman ni Eddie. “Impiyerno siguro baka dito sa lupa, kapag naghihirap ka dahil marami kang kasalanan, nagdurusa ka.”

May sarili ring pananaw ang direktor ng pelikula na si Dan Villegas: “In Biblical sense, there’s something bigger than all of us.”

Pelikula

Dulot ng ABS-CBN shutdown: Sagip Pelikula, nabuwag na

Madalas na napag-uusapan ang katotohanan sa likod ng langit, purgatoryo, at impiyerno kapag may kakilala tayong namatay. Napapatanong tayo kung saan didiretso ang kaluluwa niya, kung sa impiyerno ba, kapag saksakan siya ng sama sa kapwa at marami siyang ginawang kasalanan, nangurakot sa kaban ng bayan kapag pulitiko, at kung anu-ano pa.

Sa langit naman kapag ubod ng bait, at wala kang masisilip na katiting na nagawang masama sa lahat ng bagay.

O sa purgatoryo raw muna ang isang namatay habang hinahanap pa ni San Pedro (may hawak ng mga susi ng Kalangitan) ang pangalan niya sa napakalaki at makapal nitong libro.

Ito ang pinakabuod ng kuwento ng Hintayan sa Langit, kung saan parehong namatay ang karakter nina Gina at Eddie, at kapwa naghihintay kung kailan sila makakarating sa langit.

“Palagay ko, habang buhay tayo at masaya tayo, hindi tayo naghihirap. Anuman ang gustuhin natin, nakakamit natin. Baka iyon ang heaven. Ngayon, kapag masama kang tao, marami kang kabulastugang ginawa at nakulong ka, siguro ‘yun ang purgatory,” sabi pa ni Eddie.

“Actually hindi ko alam kung anong mayroon sa langit kasi hindi pa naman ako nakarating doon,” birong totoo ng mahusay na aktor.

“Tulad din ng sinabi ni Eddie, kapag marami kang kalokohang ginawa na sobra-sobra dito sa lupa, eh, sa purgatoryo ka talaga. ‘Pag heaven, kapag wala ka namang inaatrasong tao, pupunta ka sa heaven tiyak, kapag wala kang ginawang kalokohan,” paliwanag naman ni Gina.

Samantala, nabanggit ni Direk Dan na sa 12 full length movies na nagawa na niya ay tumatak sa kanya sa Hintayan sa Langit ang work ethics nina Gina at Eddie.

“Iba si Tito Eddie; may time na nag-overlap nang konti ‘yung Exes Baggage at itong Hintayan sa Langit. So tsinek ko ‘yung set, okay naman. Sabi ko, idlip muna ako ng 30 minutes, tutal naman 30 minutes before pa ang call time ni Tito Eddie.

“Papahiga pa lang ako, biglang sinabi na ‘Direk, nandito na po si Tito Eddie, shoot na tayo.’ So, ganu’n ‘yung ipinakita niyang (Eddie) professionalism bukod pa sa magaling na aktor.

“Tapos may sinabi si Tito Eddie. Kasi ‘yung ibang actors kapag nagse-set up naiinip. Sabi ni Tito Eddie, ‘bakit ako maiinip, we are paid to wait?’. Kaya ano pa bang masasabi ko sa kanya?” kuwento ni Direk Dan.

“Tapos si Tita Gina, ang tagal naming nagkasama sa ILAI (Ikaw Lang ang Iibigin serye), nagkukulitan lang kami. Minsan nagkaasaran kaming dalawa, tapos hindi mag-uusap, tapos maya-maya bati na kami ulit.”

Anyway, ngayon lang gumanap na love interest nina Eddie at Gina ang isa’t isa sa tagal nilang artista sa showbiz. Hindi pa rin naidirek ni Eddie si Gina sa pelikula.

“Naging tatay (role) ko siya noon, eh, ngayon ka-love team ko na,” rebelasyon ni Gina.

Mapapanood na ngayong araw ang Hintayan sa Langit sa maraming sinehan nationwide, produced ng Globe Studios at Project 8 Corner San Joaquin Projects movie outfit ni Direk Dan at ng girlfriend niyang si Direk Antoinette Jadaone.

-REGGEE BONOAN