GINUNITA nitong Nobyembre 18 ang 90th birth anniversary ng yumaong si dating Vice President Salvador H. Laurel. Nag-organisa ang kanyang pamilya at mga kaibigan ng musical tribute na tinatampukan ng mga talented na miyembro ng pamilya Laurel, sa pangunguna ni Cocoy Laurel. Ang tribute, na nagsilbi ring fundraising event, ay isang naaakmang pagbibigay-pugay sa pamana ng isang maalamat na opisyal ng pamahalaan na mas kilala sa tawag na “Doy”.
Masuwerte ako na nagkaroon ako ng pagkakataong makilala siya. Naaalala ko pa ang mga naging talakayan namin tungkol sa kinabukasan ng bansa, partikular na ng mga susunod na taon para sa Nacionalista Party (NP). Nang magkasakit siya, ang mga talakayang gaya nito ay naging mas madalas at mas masinsinan.
Minsan, sa taunang pagbabakasyon ng aking pamilya sa Amerika, nagpasya akong bisitahin si Doy sa Stanford Hospital sa San Francisco, kung saan siya ginagamot dahil sa lymphoma. Mahaba ang naging huntahan namin habang nagtatanghalian, tungkol sa ideya niya ng paghalili ko sa kanya bilang pinuno ng NP.
Nagkasundo kaming magkikita muli sa Maynila upang maisapinal na ang aming napagkasunduan at maipaalam na rin ito sa publiko, para sa pagpapatatag pa sa NP. Naaalala ko pa nu’ng nakatanggap ako ng tawag mula kay Doy makalipas ang ilang linggo. Sabi niya, “Pasensiya ka na, Manny, I don’t think I can make it back to Manila in time for your election as NP President. Masama na pakiramdam ko.”
Isang malaking karangalan para sa akin ang pamunuan ang partido Nacionalista, pero higit na makabuluhan ang gagampanan kong tungkulin dahil sa reputasyon ng taong hahalinhan ko.
Si Doy ay tagapagtanggol ng mga Pilipino, partikular na ng mahihirap. Bilang isang mambabatas, isinulong niya ang mga karapatan ng mga karaniwang tao nang likhain niya ang mga batas para sa “Justice for the Poor”, kabilang ang isang nagkakaloob ng serbisyong legal sa mga walang kakayahang magbayad nito. Ang fundraising event ay para sa kapakanan ng University of the Philippines Legal Aid Program, na ang adbokasiya ay katulad ng misyon na isinabuhay ni Doy.
Ipinagtanggol ni Doy Laurel ang mga kapus-palad. Bilang abogado, ginugol niya ang kanyang buhay sa pagtatanggol sa mahihirap at pagtiyak na patas ang magiging trato sa mga ito, sa larangan ng batas. Ayon sa mga kuwento, taong 1966 nang ipaglaban ni Doy ang kaso ng pamilya ng isang lalaki na ang bangkay ay natagpuang nakasiksik sa basurahan. Hinawakan ni Doy nang libre ang kaso at pinapanagot ang mga salarin sa paglilitis, na tinutukan ng bansa.
Nauunawaan ni Doy na ang kahirapan ay hindi lamang tungkol sa kawalan ng pera, o pagkain, o tirahan. Nangangahulugan din ito ng kawalan ng access sa hustisya. Kasabay nito, naniwala siyang walang silbi ang kaunlaran kung hindi nakakatikim ng katarungan ang mahihirap. Naniniwala akong ito ang kanyang pamana. Bilang abogado at lingkod-bayan, inialay niya ang kanyang buhay, talento, at lakas upang protektahan ang mga karapatan ng mahihirap, silang walang kakayahan upang protektahan ang kanilang sarili.
Ito ang nagbunsod sa pagtatatag ng Citizens Legal Aid Society of the Philippines (CLASP), at kinilala siya ng International Bar Association bilang Most Outstanding Legal Aid Lawyer of the World noong 1976.
Si Doy Laurel ay naging magiting na tagapagtanggol ng demokrasya ng Pilipinas. Masigasig siyang nakipaglaban para sa kalayaan. Naintindihan niya kung ano ang kailangan ng ating bansa, kaya naman ginawa niya ang pinakamatinding sakripisyong pulitikal nang kumandidato siya at nahalal bilang bise presidente ng bansa noong 1986. Sa mundo ng pulitika, kung saan ang pagkakamit ng kapangyarihan ang prioridad ng lahat, ang naging sakripisyo ni Doy ang nagsilbing pinakamataas na antas ng katapatang pulitikal.
Sinabi sa akin ni Doy na nais niyang maibalik ang kadakilaan ng NP. Nais niyang buhaying muli ang partido upang maging epektibong instrumento sa positibong pagbabago sa ating bansa. Isa itong dambuhalang tungkulin. Pero ngayong umaalagwa nang muli ang NP, umaasa akong napapangiti ngayon sa langit si Doy, dahil alam niyang ipinagpapatuloy ng partidong pinamunuan niya ang hangarin na buong buhay at buong sigasig niyang ipinakipaglaban.
-Manny Villar