Kuntento si Pangulong Duterte sa pagkakapili sa Mislatel consortium bilang ikatlong major telecommunications player sa bansa, basta tatalima ang kumpanya sa mga batas na ipinaiiral sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang pangunahing konsiderasyon ng Pangulo sa bagong major telco player ay ang “best offer” nito at ang inaasahang pagtupad sa mga umiiral na batas, kabilang na ang mga regulasyon at ang bidding process.
“The President does not interfere. He gives the departments and the offices the authority to do as it pleases in accordance with law. If you follow the law, then it’s all right with the President,” sinabi ni Panelo sa isang panayam sa telebisyon nang tanungin kung kuntento ba ang Pangulo sa pagkakapili sa Mislatel.
“We follow the rules. There is a law that requires certain conditions imposed on the bidders,” sabi ni Panelo.
Inihayag kamakailan ng gobyerno na ang Mindanao Islamic Telephone Company (Mislatel) ang napili bilang ikatlong major telco service provider sa bansa halos dalawang linggo matapos itong ideklara bilang provisional winner sa bidding makaraang makumpleto ang selection process.
Kabilang sa consortium ang China Telecommunications Corp., ang Udenna Corp., at ang Chelsea Logistics Holdings Corp. Napaulat na gagastos ito ng P258 bilyon upang itatag ang bagong telco network, na sasaklaw sa 84 na porsiyento ng populasyon ng bansa sa loob ng limang taon.
-Genalyn D. Kabiling