KAHIT saanmang commercial district sa buong bansa ay siguradong bumabaha ng mga produktong “made in China” mula sa singliit na palito ng posporo, hanggang sa naglalakihang makinarya na mabibili lamang sa mababang halaga.
Ngunit dahil sa napakababang presyo -- tutal nakamura na ang mga nakabili – ‘wag na lang silang umasa na matibay ang mga produkto na sa konting pagkakamali sa paghawak o paggamit ng mga ito, ay siguradong magkakahiwa-hiwalay ang mga bahagi nito.
Napakamura dangan kasi, kaya siguradong bahagi ang mga ito sa mga puslit na kontrabandong nakapasok sa bansa na walang binayarang buwis ni singko, maliban na lamang sa “tara” na ibinigay nila sa mga nagpalusot ng bagahe sa Bureau of Customs (BoC).
Opo – siguradong karamihan sa mga panindang ito ay bahagi ng “smuggled goods” na ayon sa mga eksperto sa kalakalan sa Aduana ay aabot sa bilyong piso ang halaga ng karampatang buwis na dapat ay makokolekta rito taun-taon.
Ayon kay Ka Jess Aranza, chairman ng Federation of Philippine Industries (FPI) at isa sa mga opisyal ng Anti-Crime Council of the Philippines (ACCP) – mga organisasyong humahabol at nagmo-monitor sa mga krimeng gaya ng smuggling – sobra-sobra ang perang malilikom sa buwis na makukuha sa mga smuggled na produktong ito, sapat upang hindi na ipatupad ang mga dagdag taxes na ipinataw ng pamahalaan sa mga negosyante.
“Kung paghuhusayan lamang ng BoC ang kanilang trabaho at sisiguruhing makukuhanan ng tamang buwis ang bawat kargamentong pumapasok sa bansa, maraming pakinabang na makukuha ang pamahalaan, hindi lamang sa buwis kundi maging sa tamang kita ng mga negosyante na apektado ng presyo ng smuggled products,” ang pahayag ni Ka Jess sa News Forum sa Balitaan sa Maynila sa Bean Belt Coffee Shop sa Dapitan Street, Sampaloc, Manila nitong Linggo.
Ayon pa kay Ka Jess nagsagawa ng pag-aaral ang kanilang grupo hinggil sa epekto ng smuggling sa kaban ng bayan at nagulat sila sa nakuha nilang resulta – na halos doble ng kikitain ng pamahalaan sa ipinataw na karagdagang buwis sa mga mamamayan, ang makukuha sa mga nakalulusot na produkto sa BoC at iba pang pamamaraan ng smuggling na ‘di rin naman napipigil kahit may mga kasama pang pulis at militar.
Maliwanag pa sa sikat ng araw – kung accurate ang resultang ito mula sa pag-aaral na isinagawa ng grupo nina Ka Jess, hindi dapat ang mga negosyante at mamamayan ang magpasan ng krus ng dagdag buwis. Bagkus, kailangan lamang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas sa anti-smuggling, upang matakot ang mga smuggler at mga dupang na opisyal – lalo na ‘yung mga nasa BoC at ilang taga-PNP -- na nakasawsaw ang mga kamay (hindi lamang daliri) sa bilyones na ilegal na kita ng mga smuggler sa bansa.
Ayon kay Ka Jess, dapat magsagawa ng “honest to goodness” life style check sa mga pinuno at tauhan sa BoC, pati na rin sa PNP na ang trabaho ay manghuli ng mga smuggler, sibakin at palitan agad ang mga mahuhuling nabubuhay ng sobra-sobra sa kanilang kinikita.
Ang suhestiyon ko naman ay simple lang – ang umpisahang inspeksiyunin ay ang parking lot sa mga opisina ng mga target na departamento, at ang unang imbestigahan ay ang mga nagmamay-ari ng mamahaling sasakyan (luxury vehicles) na tanging mga milyonaryo lamang ang kayang makabili, at hindi ang isang ordinariyong “government employee” kahit pa sinasabing sila ay opisyal na taga-BoC.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.