SA tuwing mapapanood namin ang mga lumang pelikula ni Susan Roces, hindi maiwasang sumagi sa aming isipan ang mahigpit niyang kasabayan noon na si Amalia Fuentes. Pareho silang pinasikat ni Doc Perez, ng Sampaguita Pictures, at tinaguriang Maker of Stars.
Lalong sumikat sina Susan at Amalia when they turned freelance. Nagtayo ng sariling movie company si Amalia, ang AM Productions, habang lalo namang naging in-demand si Susan nang itambal kay Fernando Poe, Jr., na eventually ay napangasawa niya.
Fast forward to 2018. Sa aspetong financial ay well-secured si Amalia dahil hindi siya waldas at marunong humawak ng pera. Ganito rin naman ang lagay financially ng biyuda ni FPJ, na napanood sa top-rating serye ng ABS-CBN na FPJ’s Ang Probinsyano.
Ang nakakabahala sa kalagayan ngayon ni Amalia ay may kinalaman sa kanyang kalusugan. Na-stroke (ischemic) ang retired actress habang nagbabakasyon sa South Korea. Mula sa pagamutan sa nasabing bansa ay pinayagan siyang makauwi at kaagad isinugod sa isang well-known hospital sa Pasig City, where she stayed for four months.
Hindi pa lubos na magaling ang former movie queen nang iuwi sa kanyang bahay. Twenty-four-seven ang pagbabantay sa kanya ng mga nurses. Tuluy-tuloy din ang kanyang therapy para sa ikabibilis ng kanyang paggaling.
Samantala, halos lahat ng mga mahal sa buhay ni Amalia, mula sa kanyang first husband, former actor Romeo Vasquez to second husband Joey Stevens, ay nagsipanaw na. Namatay din ang kanyang only daughter na si Liezl Martinez dahil sa breast cancer, habang kamakailan ay pumanaw na rin ang kapatid niyang si Cheng Muhlach, ama ni Aga Muhlach.Sa kabila ng maraming pagsubok na dumarating sa buhay ng isa sa may pinakamagagandang mukha sa showbiz, marami pa rin ang nagmamahal kay Amalia at ang tanging dalangin ay ang mabilisang paggaling niya.
-Remy Umerez