Nababahala ang Philippines Amalgamated Supermarkets Association na maaapektuhan ng ilang araw na truck holiday, na nagsimula kahapon, ang delivery ng mga produktong pagkain, partikular na ang mga Noche Buena items, ilang linggo bago ang Pasko.
Ito ay makaraang ikasa kahapon ng samahan ng mga trucker ang halos isang-linggong truck holiday laban sa planong i-phaseout ng Land Transportation Office (LTO) ang mga lumang truck, at sa hindi maresolbang port congestion.
Sinabi ni Steven Cua, pangulo ng Philippines Amalgamated Supermarkets Association, posibleng magkaroon ng problema sa delivery ng mga produktong Pamasko, kabilang ang Noche Buena items.
Aniya, may direktang epekto ang truck holiday sa pagtigil ng delivery ng mga sasakyang nagdadala sa mga produkto na inangkat nila upang mapanatili ang sapat na supply ng mga ito sa supermarket, lalo na ngayong malapit na ang Pasko.
Paliwanag pa ni Cua, ang anumang delay sa delivery ng mga produkto o bilihin ay tiyak na makakaapekto sa negosyo.
Samantala nangangamba naman ang consumers na magtataas ang presyo ng mga bilihin, lalo na sa Noche Buena products, sa supermarket at pamilihan dahil sa epekto ng truck holiday
-BELLA GAMOTEA