SA bawat panahon, kapansin-pansin na bahagi na yata ng pamamahala sa Department of Education (DepEd) ang pagkakaroon ng mga namumunong umaani at inuulan ng batikos mula sa taumbayan. Ang pag-ani ng matinding batikos ay bunga ng mga desisyon at patakaran na hindi katanggap-tanggap. Mababangit na halimbawa ngayong 2018 ay ang pilot program ng DepEd na ipakilala o isama sa curriculum ng grade school ang wikang Korean.
Sa mga nagmamalasakit nating kababayan, ironic o kabalintunaan ang programang ito ng DepEd. Halos nagkakaisa sila ng pahayag at reaksiyon sa pagsasabing nasaan ang katinuan ng mga taga-DepEd? Napunta raw ba sa kanilang talampakan? Malaking insulto ang balak na ito sa wikang Filipino at sa ating panitikan. Dagdag-hampas din sa ating wika at panitikan ang kamakailangan pasiya ng Commission on Higher Education (CHED) na tanggalin na sa curriculum sa kolehiyo ang subject na Filipino at Panitikan. May diwang alipin at hindi makabayan ang mga nasa likod ng nasabing desisyon.
Ang masaklap, kinatigan pa ng Korte Suprema ang CHED Memoramdum No.20 series of 2013 na nagtatanggal sa subject na Filipino at Panitikan sa mga school curriculum ng kolehiyo. Kung sabagay, ano ba pakialam ng ating mga mahistrado sa Filipino at Panitikan. Marami sa kanila ang walang gaanong interes na matutuhan ang ating Panitikan noong mga nag-aaral pa. Maaaring katwiran pa ng iba, saan ba nila gagamitin ang Panitikan? Ang pagiging abogado naman ang kanilang kukuning karera at propesyon.
Malaking pagkakamali, kalokohan at kagaguhan ang pagtatanggal ng mga subject na ito, halos nagkakaisa ang reaksiyon at pahayag ng marami nating kababayan hinggil dito. Walang masama na pag-aralan at matutunan ng ating mga mag-aaral ang Filipino at Panitikan. Malaking tulong ang nasabing mga subject na mapatingkad, lumawak at magkaroon ng sapat na kaalaman para sa pagkakakilanlan ng ating mga ninuno, gayundin ang kanilang mga isinulat na tula, sanaysay, kuwento at iba pang akda na naglalarawan ng kanilang mga pangarap, karanasan, tagumpay, kabiguan at hangarin sa buhay.
Sa nasabing pangyayari, hindi maiwasan na magbalik sa alaala ng inyong lingkod ang mga naganap sa panahon na isinusulong noon ng ating mga kababayan ang pagpapalaganap ng wikang Filipino. Kasaysayan ang matindi ang pagtutol sa pagpapalaganap ng wikang Filipino na magpapaintindi sa ating mga kababayang “nalasing” sa Ingles, at halos naging asal at ugaling dayuhan. Ang mga maka-Ingles sa kanilang mga pagtatalumpati ay nilalait at iniinsulto ang wikang Filipino. At natatandaan pa ng inyong lingkod, may mga manunulat sa Ingles noon na pilipit ang utak, na kapag nagsusulat ka sa Filipino ay mababa ang pagtingin iyo at sa iyong mga isinusulat. Bakya crowd daw ang babasa. Hindi babasahin ng mga elitista at mga piling uri. Mabuti na lamang at sa paglipas ng panahon, ang mga manunulat sa Ingles na nanlalait sa mga nagsusulat sa Filipino ay natauhan. Ang iba naman ay namatay o binawian ng buhay.
Nakatulong din sa pagkilala sa mga manunulat na Pilipino ang pagwawagi ng mga ito sa mga timpalak ng pagsulat ng tula, kuwento, sanaysay at nobela.
-Clemen Bautista