SA pagpatay kamakailan sa Vice Mayor ng Balaoan, La Union, lumilitaw na nagiging kalakaran na ang pagpaslang sa mga pulitiko. At sa ganitong malagim na sitwasyon, ‘tila nalalantad din ang kakulangan ng ating mga alagad ng batas sa pangangalaga sa ating seguridad. Hindi ba sila—ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang security agencies ng gobyerno—ang may pangunahing misyon “to serve and protect”? Ibig sabihin, pangunahing obligasyon nila ang pangangalaga sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang ganitong pananaw ay hindi nangangahulugan na ibinubunton natin sa mga pulis, sundalo at iba pang alagad ng batas ang mga karumal-dumal na pagtambang hindi lamang sa mga pulitiko, kundi maging sa iba pang sektor ng sambayanan. Naniniwala ako na ang gayong madugong mga pag-ambush ay kagagawan ng mga demonyo ng kadiliman na kinakasangkapan ng mga gahaman sa salapi at kapangyarihan na hanggang ngayon ay nag-aalaga pa, wika nga, ng mga pribadong hukbo.
Nais kong bigyang-diin na magiging makabuluhan lamang ang misyong “to serve and protect” ng PNP at AFP sa pamamagitan ng ganap na paglansag sa private army ng ilang pulitiko at malalaking negosyante. May mga sapantaha na ang pamamayagpag ng naturang mga hukbo ang ugat ng sinasabing pagpatay ng mga pulitiko sa kanilang mga kapwa pulitiko na umano’y parehong nang-aagaw ng kapangyarihan.
Hindi maikakaila na ang naturang mga pribadong hukbo ay tumatango lamang sa bawat kumpas ng kanilang mga bossing, wika nga. At isinasagawa nila ang nakakikilabot na mga krimen saanman at sa lahat ng pagkakataon.
Biglang sumagi sa aking utak ang kahindik-hindik na pagpatay sa isang kongresista sa mismong loob ng isang simbahan sa Vigan, Ilocos Sur; sa bulwagan ng munisipyo sa Zaragoza, Nueva Ecija; at sa loob ng ilang gusali, town plaza at iba pang lugar. Hindi ko babanggitin ang pangalan ng mga biktima alang-alang sa katahimikan ng kanilang kaluluwa.
Totoo na ang PNP, AFP at iba pang ahensiyang pang-seguridad ay hindi naman nagpapabaya sa pagtugis sa mga salarin. Maaaring nadadakip ang mga suspek, inuusig at inihahabla sa mga hukuman. Subalit nakadidismaya na nagiging mailap ang katarungan para sa mga biktima dahil nga sa kamandag ng tinatawag na culture of impunity. Ibig sabihin, ang mga suspek ay naaaresto, kinakasuhan subalit hindi naman lubos na nahahatulan.
Dahil dito, hindi kaya lalo pang dumami ang mga biktima ng madugong pag-ambush na ‘tila nagiging isa nang kalakaran?
-Ric Valmonte