Hindi kapalit ng Filipino subject ang Korean language class na ituturo sa basic education curriculum (BEC).
Ito ang paglilinaw kahapon ng Department of Education (DepEd), at sinabing ang naturang dayuhang lengguwahe ay ituturo lang bilang elective, at hindi magiging bahagi ng core subjects ng BEC.
Ituturo lang din ito sa may 700 estudyante sa 10 piling junior high schools (JHS) sa National Capital Region (NCR), ayon sa DepEd.
Depensa ng kagawaran, hindi lang naman ang Korean language ang itinuturo sa bansa, dahil noon pa may ay mayroon na silang Special Program in Foreign Language (SPFL) classes na kinabibilangan ng Spanish, French, German, Chinese at Japanese.
Nauna nang ipinaliwanag ng DepEd na hindi lahat ng nais matuto ng Korean ay maaaring kumuha ng naturang klase, dahil tanging ang mga estudyanteng nahasa lang sa Filipino at English ang kuwalipikadong mag-aral nito.
“SPFL is open to Grades 7 to 10 learners who have demonstrated competence in Filipino and English, and are interested in and capable of learning another foreign language,” anang DepEd.
Matatandaang pinayagan ng Korte Suprema na tanggalin na sa core college subjects ang Filipino at Panitikan, kasabay na rin ng pagsuporta nito sa “constitutionality” ng K-12 program.
-Mary Ann Santiago