TINALO ng defending 4-time girls champion National University ang Far Eastern University-Diliman, 27-29, 25-18, 25-27, 25-18, 15-9 upang palawigin ang kanilang winning run hanggang walong laro noong nakaraang Sabado sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament sa Blue Eagle Gym.
Nagposte si Sheena Toring ng 18 puntos, habang tumapos si Alyssa Solomon na may 17 puntos upang pangunahan ang Lady Bullpups sa paggapi sa Baby Tamaraws.
Dahil sa kabiguan. bumaba ang FEU-Diliman na nakahugot ng 17 hits mula kay Lyann de Guzman sa 4-5, panalo-talong kartada.
Nagsalansan naman sina Alleiah Malaluan at Angel Canino ng pinagsamang 43 puntos para giyahan ang De La Salle-Zobel sa kanolang tagumpay kontra University of Santo Tomas, 25-23, 25-19, 16-25, 27-25, upang manatiling nasa ikalawang puwesto taglay ang markang 6-2.
Nalaglag naman ang Junior Tigresses sa barahang 5-4, bahagya na lamang nakakaangat sa kaagaw na Baby Tamaraws para sa huling semifinals berth.
Samantala, namayani naman ang University of the East laban sa University of the Philippines Integrated School, 22-25, 25-16, 25-17, 25-20, para sa ikalawa nilang panalo ngayong season.
-Marivic Awitan