NANG tanungin si Pangulong Duterte hinggil sa military drills sa South China Sea, nagbabala siya laban dito dahil, aniya, “China is already in possession of waterway.”
“Bakit kailangan pang gumawa ng gulo? Ang matinding gawaing militar ay magbubunsod ng katugunan sa China. Makakaasa ang mga ibang bansa na ang Pilipinas ay hindi makikipagdigmaan sa pinag-aagawang isla sa South China Sea. Hindi ko iintindihin ang kahit sinong nagnanais ng digmaan, kaya lang ang Pilipinas ay katabi ng mga isla. Kapag nagputukan dito, ang bansa ko ang unang magdurusa,” sabi pa ng Pangulo nang magsalita siya sa mga mamamahayag bago magtungo sa pulong ng Association of South Asian Nations (ASEAN) noong Huwebes ng umaga. Sa pulong, nanawagan ang Pangulo sa mga ibang bansa na tumulong upang masiguro ang katatagan ng rehiyon sa halip na gumawa ng gulo. Nagsasagawa kasi ang Estados Unidos at ang kanyang mga kaalyadong bansa ng operasyon sa South China Sea dahil iginigiit nila ang kalayaang maglayag sa karagatan at tinututulan nila ang militarisasyon ng China sa waterway.
Nitong Nobyembre 8, naglayag ang US aircraft carrier Ronald Reagan at ang Japanese helicopter carrier JS Hyuga kabilang ang 16 na barko, habang ang mga eroplanong pandigma ng dalawang bansa ay nakasubaybay sa himpapawid sa panahong isinasagawa nila ang Sword drills sa Philippine sea. Nakiisa ang US carrier John C. Stennis sa Ronald Reagan para sa complex warfare drills kasama ang 150 fighter jets sa hangaring ipakita ng U.S. at Japan ang kanilang puwersa malapit sa China at North Korea.
Nawawari na ng Pangulo ang kahihinatnan ng kanyang pagiging malapit sa China. Sa katuparan ng kanyang hangaring ito, upang makautang ng pangsustento sa kanyang mga proyekto, isinantabi niya ang kasong napanalunan ng ating bansa sa UN arbitral court. Hindi niya iginiit ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea sa pakikipag-ugnayan niya sa China. Kaya, ang nangyari, malayang nakagalaw ang China sa West Philippine Sea na animo’y pag-aari niya ang bahaging ito ng karagatan. Gumawa ito ng isla na ginawang paliparan at nagtatag ng military satellite.
Ayon kay Pangulong Digong, ang China na ang “nagmamay-ari” ng waterway. Pero ang wika ni US Vice President Mike Pence na dumalo rin sa ASEAN summit bilang kinatawan ng kanyang bansa: “Walang bansang nagmamay-ari ng South China Sea at kayo ay makatitiyak: Ang United States ay patuloy na maglalayag at lilipad saanmang lugar na pinahihintulutan ng international law at kinakailangan ng aming national interest.” Sa palagay kaya ni Pangulong Digong pakikinggan siya at ng ibang mga bansa na kaalyado nito sa kanyang babala laban sa mga military drills?
Ang malaking problema, hindi lamang ang Pangulo kundi ng sambayanang Pilipino ang natatakot kapag nagputukan sa West Philippine Sea, dahil mapapahamak ang Pilipinas. Katabi kasi ng bansa ang mga islang pinag-aagawan, lalo na iyong ginawan ng China ng paliparan at tinaniman ng military satellite. Ang mga ito ang unang pasasabugin kung sakali mang mangyari ang kinatatakutang digmaan ng Pangulo.
Hindi sana mangyayari ang pag-init ng sitwasyon sa West Philippine Sea kung pinanindigan ng Pangulo ang arbritral ruling na kinatigan ang karapatan ng bansa sa isla. Hindi magiging agresibo ang China na gawan ng paraan para sa kanyang sariling interes ang pinag-aagawang lugar. Marahil alam na ng Pangulo na kung ipinagpilitan niya sa China ang karapatan natin dito, may kakampi sa atin na ibang mga bansa na interesado sa kalayaang maglayag at nakahandang makipaglaban para rito.
-Ric Valmonte